SAINTS OF NOVEMBER: SAN ANDRES DUNG-LAC AT MGA KASAMA, MGA MARTIR NG VIETNAM

NOBYEMBRE 24 A. KUWENTO NG BUHAY Kahanga-hanga ang mga Kristiyano sa Vietnam, lalo na ang mga Katoliko doon. Sa mahabang panahon, magpahanggang ngayon, nararanasan nila ang tindi ng pagtuligsa at panggigipit sa kanilang malayang pagpapahayag ng pananampalataya. Sa kabila nito, matatag ang mga mananampalataya doon sa tahimik na pagsunod sa Diyos. Nagsisimba ang halos lahat kahit maraming hadlang sa kanilang pagsamba at debosyon. Napakaraming mga kabataang nagmamadre at nagpapari kaya puno ang mga kumbento at mga seminaryo. Marahil epekto ng kasabihang sinauna tungkol sa mga martir: “Ang dugo ng mga martir ay binhi para sa paglago ng mg Kristiyano.”  Bagamat nagsimulang maliit lamang at pinag-uusig pa ang pamayanang Katoliko, mahigit isang daan ang mga santo at santa mula sa simbahan ng Vietnam, lahat na-deklara noong 1998. Ang mga martir na ito ay 117 ang bilang. Namatay sila sa iba’t-ibang yugto ng kasaysayan ng simbahan sa Vietnam.  Kabilang dito, 96 ay mamamayan ng bansa, 11 mula sa Espanya, at 10 mula sa Pransya. Sa hanay na ito, 8 ang obispo at 50 ang mga paring martir.  Ang mga layko naman ay bumubuo sa 59 na nalalabi.  Sa bilang ng mga pari, 11 ang mga Dominikano, 10 ang miyembro ng Paris Mission Society, ang iba ay diocesano (o sekular), at ang isa ay seminarista. Ang napiling pinuno ng grupo ng mga martir na ito ay si Padre Andres Dung-lac, na pinugutan ng ulo noong 1839.  Isinilang siya sa Tran An Dung noong 1795.  Naging pari siya noong 1823.  Idinagdag sa pangalan niya ang “lac” upang makaiwas sa panghuhuli ng kanyang mga kaaway. Ang apelyido niyang Dung ay naging Dung-lac upang lituhin ang mga naghahabol sa kanya. Karamihan sa mga santong na-canonize kasama ni San Andres ay namatay noong ika-18 at ika-19 siglo.  Dumaan ang mga ito sa kahindik-hindik na mga pahirap na halos hindi mahihigitan sa kasaysayan ng mga martir. Iyong iba, buhay pa ay pinutulan ng mga kamay at paa, braso at binti. Iyong iba ay sinunog o pinaso ng mga nagbabagang bakal sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ginamitan ng droga ang iba upang masiraan ng bait o mabaliw.  May mga tinatakan ng permanenteng tatoo sa noo para makilalang tagasunod sila ng isang “masamang relihiyon.”  Nilipol din ang buong mga angkan at buong mga nayon na kilala bilang Katoliko. Isa sa mga paring martir ay si San Theophane Venard, na itinuring na kapatid espirituwal ni Santa Teresita ng Lisieux. Maraming palitan ng mga sulat ang dalawang santong ito.  Ninais pa ni Santa Teresita na maging misyonero sa monasteryo ng Vietnam dahil sa mga salaysay ni San Theophane. May naganap na beatification noong taong 2000 kung saan idineklara ang kabanalan ni Blessed Andres Phu Yen, ang unang martir (protomartyr) ng Vietnam.  Ipinanganak siiya noong 1641.  Naging tagapaglingkod siya ng mga misyonerong Heswita.  Nang siya ay bandang 20 taong gulang, namatay siya sa pagtaga ng gulok at pagpugot ng ulo sa pagitan ng taong 1624-1644. B. HAMON SA BUHAY Lagi nating ipagdasal ang mga Katolikong sinusubok sa kanilang pagsunod kay Kristo hanggang sa ating panahon ngayon. Sa kabila ng pang-aapi ng mga pamahalaang Komunista o sosyalista, ng mga extremist o panatikong Muslim, o ng mga paniniwalang walang kinikilalang Diyos, ang ating mga kapatid ay tila sulo na nagliliwanag na paalala sa atin na pahalagahan natin ang ating pananampalataya kay Kristo. Ang daming mga naging estudyante ko sa seminaryo na naging malapit din sa akin bilang mga kaibigan, kapatid at anak sa pananampalataya.  Ilan lamang sa kanila ay sina Fr. Paul An, Francis Tien, Dominic Pham Minh. K. KATAGA NG BUHAY Jn 14, 21 Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 500