SAINTS OF NOVEMBER: SAN CLEMENTE I, PAPA AT MARTIR

NOBYEMBRE 23 A. KUWENTO NG BUHAY Isa na namang sinaunang santo si San Clemente I. Walang gaanong naisulat o naitala tungkol sa kaniyang pinagmulan.  Malinaw lamang sa mga unang manunulat ng simbahan na siya ay naging Santo Papa sa Roma. May nagsasabing si San Clemente ang ikatlong kahalili ni San Pedro bilang obispo ng Roma. May nagsasabi ding siya ang ika-apat na kahalili. Hindi magkasundo ang mga unang dokumento o listahan. Ang mahalaga ay alam nating may malaking impluwensya ang taong ito sa buhay ng simbahan sa Roma noong dulong ng 1st century. Tiyak na nakilala pa ni San Clemente si San Pedro Apostol. May isang tradisyon na nagsasabing si San Pedro mismo ang pumili kay San Clemente bilang kahalili niya.  Sa ibang mga paglalarawan, ipinakikita si San Clemente na kasama si San Pedro at  may hawak si San Clemente na isang anchor o pabigat sa barko. Itinuturing si San Clemente na kauna-unahang Apostolic Father. Ang isang Apostolic Father ay isang taong naabutan pa at narinig ang mga orihinal na apostol ng Panginoong Jesukristo. Ibig sabihin maaasahan ang taong ito na ang kanyang mga itinuro ay naka-ugat sa mismong ipinangaral ng mga apostol. Nag-iwan ng mga liham si San Clemente. Pero tanging ang una lamang ang nakarating sa atin dahil nawala ang ikalawa. Ang mga liham niya ay para sa mga taga-Corinto.  Dito iginigiit niya na dapat tanggapin sa simbahan ang kapangyarihan ng mga obispo at pari bilang tunay na galing sa Diyos sa  pamamagitan ng mga apostol. Mababanaag din sa kanyang liham ang natatanging gampanin ng simbahan sa Roma at ng obispo ng Roma sa buhay ng pandaigdigang pamayanan ng mga Kristiyano. Hindi nagkakasundo ang mga eksperto kung nakapaloob nga sa turo ni San Clemente na ang obispo ng Roma ang pinakamataas sa mga obispo. Makikita sa turo ng santo ang koleksyon ng mga unang tradisyon sa liturhiya at batas na sinusunod ng sinaunang bayan ng Diyos. Tungkol sa kanyang kamatayan, pinaniniwalaan na pinalayas siya sa Roma at ginawang isang bilanggo.  Dinala siya sa isang lugar kung saan ang parusa sa kanya ay pagta-trabaho tulad ng ibang mga bihag sa tibagan ng mga bato. Sa lugar na ito, may himala na ginawa si San Clemente na naging sanhi ng lalong pagyakap ng mga tao sa pananampalayang Kristiyano. Dahil dito, dinala sa gitna ng dagat ang santo. Itinapon siya sa tubig na may pabigat na anchor sa kanyang leeg.  Ito ang naging sanhi ng kanyang pagka-martir noong taong 97. B. HAMON SA BUHAY Bakit malakas ang loob ng mga santo sa kabila ng maraming pagsubok? Tuklasin natin sa panalangin ang kahalagahan ng krus sa ating buhay at hilingin natin na matuto tayong pasanin at ialay sa Diyos anuman ang ating pinagdadaanang hamon sa buhay. K. KATAGA NG BUHAY Sir 15,5 Itatampok siya ng karunungan nang higit sa kanyang mga kaibigan at magagawa niyang magsalita sa buong kapulungan. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 493