SAINTS OF NOVEMBER: SAN MARTIN DE PORRES, NAMANATA SA DIYOS

NOBYEMBRE 3 A. KUWENTO NG BUHAY Sino ba ang hindi nakakakilala kay San Martin de Porres?  Ang kanyang imahen ay madaling matatak sa isip ng sinumang makakita nito. Isang maitim na lalaki na nakasuot ng puting-puting abito ng mga Dominikano. May dala siyang basket ng tinapay (tanda ng kanyang kabutihan sa mga mahihirap).  Minsan naman may dalang walis (paalala ng kanyang kababaang-loob bilang isang religious brother na gumawa ng mga pinakamababang trabaho sa kumbento). At minsan may kasama siyang mga hayop tulad ng aso o daga, na naging mga kaibigan niya at nakakausap niya. Pero laging ang kanyang mukha ay nagniningning sa kabaitan at kadalisayan ng kanyang kaluluwa. Si San Martin ay mula sa Lima, Peru. Kasabayan niya sa kanyang panahon ang apat pang mga santo na mula din sa kanilang lugar: San Turibio, Santa Rosa de Lima (na naging kaibigan ni San Martin), San Juan Macias (isa pang matalik na kaibigan ng ating santo), at San Francisco Solano. Isinilang si San Martin noong 1579 at ang kanyang itim na kulay ng balat ay dahil sa pag-iibigan ng kanyang ama na purong Kastila at ng kanyang ina na isang dating aliping may dugong Aprikana; hindi sila kasal.  Ang kapatid na babae ni San Martin ay mas bata sa kanya. Ang tunay na apelyido ng ama nila ay de Porras, na naging de Porres dahil sa isang maling pagsusulat ng report sa Roma tungkol sa kanyang banal na buhay. Iniwan ng ama ni San Martin ang pamilya kaya nagtrabaho ang kanyang ina bilang isang labandera. Natuto si San Martin ng trabaho ng isang barbero at ng konting panggagamot sa mga maysakit. Napansin na rin ang kanyang matagal na oras na ginugugol sa panalangin. Noong panahon ni San Martin, may batas na nagbabawal na maging bahagi ng isang religious congregation ang isang taong magkahalo ang lahi. Kaya nang pumasok siya sa kumbento ng mga Dominikanong prayle, una siyang itinuring na isang volunteer lamang. Nakasuot ng abito at gumagawa ng pinakamababang uri ng trabaho sa kumbento. Dahil sa kanyang kababaang-loob at kabanalan, binalewala ng mga superyor niya ang batas at hinayaan siyang gumanap ng pamamanata (o vows ng poverty, chastity at obedience) bilang isang brother (kasapi na hindi pari). Sa kabila nito, maraming mga kasamahan niya ang hindi siya matanggap at naghirap siya sa kanilang mga panunutya sa kanya. Nang italaga si San Martin bilang tagapag-alaga ng mga maysakit, buong puso niya itong ginampanan. Napabalita ang mga kahanga-hangang himala ng Diyos sa pamamagitan ni San Martin. Maraming mga maysakit sa loob at labas ng kumbento ang gumaling matapos ang kanyang paglilingkod at pagdarasal sa kanila. May mga nakakita sa kanya na lumulutang habang nagdarasal. May mga pagkakataon na nakita siyang tumutulong sa ibang lugar kahit na hindi naman siya umaalis ng kumbento. Tinawag siyang “the flying brother” dahil napabalitang nakita siya sa ibang bansa na tumutulong sa mga tao kahit na hindi naman siya nakaaalis sa Peru. Kabilang sa mga bansang ito ang Japan, Africa at Pilipinas. Hindi namili si San Martin ng mga taong tutulungan, maging sila man ay mayaman o mahirap, itim o puti, may pinag-aralan o walang kapangyarihan. Pantay-pantay ang kanyang pagmamahal sa lahat. Napatunayan din ang pagmamahal ni San Martin sa Banal na Sakramento sa tabernakulo. Lagi siyang nagdarasal sa harap ni Jesus sa Eukaristiya. Namatay si San Martin noong 1639 sa edad na 60 taong gulang lamang. B. HAMON SA BUHAY Totoo nga na ang pinipili ng Diyos na kasangkapan para sa kanyang mga himala ang mga taong mababang-loob, payak at malinis ang puso. San Martin, ituro mo sa amin ang pagiging tulad mo sa dedikasyon sa panalangin, tahimik na paglilingkod at walang pinipiling pagbibigay sa kapwa. K. KATAGA NG BUHAY Salmo 91, 14 Sabi ng Panginoon: Dahil sa akin siya kumakapit, ililigtas ko siya. Dahil kinikilala niya ang aking pangalan, ipagtatanggol ko siya. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 689