SAINTS OF NOVEMBER: SAN MARTIN NG TOURS, OBISPO

NOBYEMBRE 11 A. KUWENTO NG BUHAY Maibibilang sa mga pinakasikat na santo mula noon hanggang ngayon si San Martin. Isang tagpo sa buhay niya ang nakababagbag-damdamin at nagpapakita ng dalisay na puso ng taong ito. Paulit-ulit itong ikinukuwento sa atin. Noong si San Martin ay naglilingkod pa bilang sundalo, hindi pa siya nagpapabingyag bilang Kristiyano. Siya ay isa lamang catechumen o katekumeno (isang taong inihahanda pa lamang sa sakramento ng binyag).  Minsang nakasakay siya sa kabayo at papasok sa isang lungsod, nakasalubong niya ang isang pulubi na halos walang damit. Nanginginig ang pulubi dahil sa lamig ng panahon. Biglang kinuha ni San Martin ang kanyang balabal o kapa at hinati ito sa gitna. Ibinahagi niya ang kalahati sa pulubi at ang kalahati naman ay suot niya.  Nang gabing iyon, nanaginip si San Martin at nakita niya ang Panginoong Jesus na suot ang kalahati ng kapa na ibinigay niya sa pulubi. Nadinig niyang sinabi ng Panginoon sa mga anghel: Ibinigay ito sa akin ni Martin, na isang katekumeno.  Ang Panginoon pala ang nakatagpo niya sa daan! Naging sikat ang kapa ni San Martin at ginawang isang relic ng mga hari ng France. Dala nila ito sa pagsulong sa giyera. Sa ibabaw nito ginaganap ang nanunumpa ang mga taong gumagawa ng pangako. Isang pari ang naging tagapag-alaga ng kapa ni San Martin at tinawag ang pari na cappellanu.  Nang lumaon, tinawag na cappellani ang mga paring naglilingkod sa militar.  Ang cappellanu ay naging chaplain, na salitang ginagamit pa rin natin ngayon.  Ang mga maliliit lugar na temporaryong pinaglalagakan ng relic na kapa ni San Martin ay tinawag ng mga tao na capella, salita para sa “maliit na kapa.”  Nang lumipas ang panahon, ito ay naging chapel, na salitang gamit natin para sa mga maliliit na simbahan, ang ating mga kapilya o bisita. May kinalaman pala kay San Martin ang istorya ng mga salitang ito. Ang nagsulat ng buhay ni San Martin ay si Sulpicio Severo. Ayon sa kanya, ang ama ng santo ay mula Hungary at naglingkod ay opisyal sa Roman army. Maaaring isinilang ang santo noong taong 317. Nakapag-aral si San Martin sa Pavia, Italy at sumali din bilang isang sundalo ng imperyo.  Pero bata pa siya ay naakit na siyang dumalo sa mga pagtitipong Kristiyano at naging katekumeno. Matapos maganap ang kanyang pagbibigay ng kapa sa pulubi, nagpabinyag siya noong 337, matapos ang anim na taon ng paghahanda.  Bumalik siya sa Hungary upang akayin naman ang kanyang ina sa pananampalataya.  Pero hindi niya nahikayat ang kanyang ama. Namuhay si San Martin bilang isang ermitanyo, sa lugar kung saan ngayon ay may pinakaunang monasteryo sa France. Sumikat siya bilang isang mapaghimalang tao nang maibalik niya sa buhay ang isang taong namatay na. Nang taong 371, nahalal na obispo ng Tours sa France si San Martin. Nagtatag siya ng monasteryo sa Marmoutiers.  Napakaraming bokasyon sa pagpapari ang naganap kaya naging sentro ito ng bokasyon sa buong bansa. Nagpadala ang santo ng mga pari bilang misyonero. Nilabanan ni San Martin ang mga kinatawan ng imperyo ng Roma at iginiit niya ang kalayaan ng simbahan.  Masyado ang kanyang buhay-sakripisyo na pati ang mga obispo at mga pari ay nakakita ng dahilan upang siya ay siraan nang ninais niyang pasunurin din sila sa ganitong buhay. Namatay siya noong 397 sa Candes, sa isang maliit na parokya kung saan tumungo siya upang pagkasunduin ang nagkawatak-watak na mga kaparian.  Ngayon isa siya sa pinaka-popular at pinakamamahal na mga santo ng kasaysayan. B. HAMON SA BUHAY Kung tumutulong ba tayo sa kapwa ay iniisip nating sa Panginoon natin ginagawa ito? Mas magiging maluwag sa puso kung ganito ang ating pananaw, tulad ng ginawa ni San Martin ng Tours. K. KATAGA NG BUHAY Ezek 34,16 Hahanapin ko ang nawawala at ibabalik ang naliligaw. Lulunasan ko ang nasaktan at palalakasin ang mahina, ngunit malilipol ang mataba at malakas. Makatarungan ko silang papastulin. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 724