SAINTS OF NOVEMBER: SANTA CECILIA, DALAGA AT MARTIR
NOBYEMBRE 22 A. KUWENTO NG BUHAY Mapagmahal sa musika ang mga Pilipino. Madalas makilala sa pagkanta, pagtugtog o pagsusulat ng mga awit at himig ang mga kababayan natin dito sa ating bansa at maging sa labas ng Pilipinas. May mga Pinoy na nakakapasok sa mga competitions ng pag-awit o pagtugtog. Marami din namang kumakanta sa palengke, sa kalsada, sa simbahan o sa paaralan, sa banda, o sa amateur singing contest sa mga pista ng nayon. Sabi nga ni Jose Rizal na ang ating kayamanan ay ang ating mga ngiti at ang ating mga awit. Madaling mapapamahal sa puso natin si Santa Cecilia dahil siya ang patron saint ng musika. Kilalanin natin siya. Nabuhay noong sinaunang panahon si Santa Cecilia. Kaya mahirap makakuha ng mga detalye ng kanyang buhay. Laging ganito ang situwasyon ng mga santo at martir noong sinaunang panahon. Kalimitan sa mga kuwentong nakarating sa atin ay mula sa mga tradisyon o alamat tungkol sa kanila. Maraming detalye ng kanilang buhay ang nabuo sa fiction o kathang isip. Pero hindi ibig sabihin na hindi totoo ang buhay ng santo o ng martir. Dapat nating tandaan na kaya lumaganap ang mga kuwento, totoo man o kathang-isip, ay dahil may mga tunay na taong nabuhay at namatay para sa Panginoon. Maaaring fictional ang ilang detalye, pero historical ang tao at ang kanyang pagiging saksi sa pag-ibig ni Kristo. Isa sa pinakasikat na martir ng ating simbahan si Santa Cecilia. Sa katunayan, sa Unang Panalangin ng Pasasalamat (Eucharistic Prayer I) ng Misa, isa siya sa pitong babae (bukod sa Mahal na Birhen) na binabanggit sa panalangin. Matatag ang debosyon sa kanya sa lungsod ng Roma at sa mga karatig na lugar. 4th century pa lamang ay ipinagdiriwang na ang kanyang kapistahan. Nangako si Santa Cecilia na mananatili siyang birhen o dalaga habang buhay upang ialay ang puso sa Diyos lamang. Subalit napilit din siya ng kanyang mga magulang na magpakasal kay Valeriano, isang mayamang tao na hindi Kristiyano. Sa kanyang kasal, habang tumutugtog ang mga musiko, si Santa Cecilia naman ay umaawit sa kanyang puso ng mga kanta para sa Diyos. Ito ang kanyang kaugnayan sa musika. Sa unang gabi ng mag-asawa, binalaan ni Santa Cecilia si Valeriano na may anghel na nagbabantay sa kanya at sasaktan nito ang lalaki kung hindi igagalang ang kanyang panata ng pag-birhen para sa Panginoon. Hiniling ni Valeriano na makita ang anghel at sinabi ni Santa Cecilia na makikita niya ito kung siya ay magpapabinyag sa pananampalataya. Nagpabinyag si Valeriano at nakita niya ang anghel na nagbabantay sa kanyang asawa, naglalagay ng mga bulaklak sa ulo ni Santa Cecilia. Sa pag-uusig sa mga Kristiyano, pinatay si Santa Cecilia, kasunod ng pagpatay sa kanyang asawa at kapatid na si Tiburio. Ayon sa tradisyon, tatlong beses hinataw ng espada ang leeg ng dalaga. Nabuhay pa siya nang tatlong araw bago tuluyang pumanaw. Hiniling niya na gawing isang simbahan ang kanyang tahanan. Namatay siya sa pagitan ng mga taong 230-250. Noong 1599, nahukay at nakitang buo pa ang kanyang katawan na tila natutulog lamang. B. HAMON SA BUHAY Ang ating mga salita at kilos ay maging musika nawa na nagbibigay ng papuri sa ating Panginoon araw-araw. K. KATAGA NG BUHAY Mt 25,6 Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya! (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 720
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed