SAINTS OF NOVEMBER: SANTA GERTRUDES, DALAGA
NOBYEMBRE 16 A. KUWENTO NG BUHAY Ipinanganak noong 1256 si Santa Gertrudes. Kaunti lamang ang detalye ng kanyang kabataan. Sinasabing siya ay nagmula sa Thuringia (isang bahagi ng Germany). Maagang dinala si Santa Gertrudes sa isang monasteryo upang doon ay makapag-aral. Maaaring inialay siya ng kanyang mga magulang sa Diyos sa murang edad. Mayroon ding nag-iisip na maaaring ulila siya nang siya ay dalhin sa monasteryo. Ang monasteryong ito ay maaaring Benedictine o Cistercian ang sinusunod na tradisyon ng buhay. Tinuruan siya at hinubog dito ng mga mongha. At mabilis na lumago sa kaalaman ang santa. Naging masugid siya sa pag-aaral at sa pagtuklas ng karunungan. Hindi lamang sa Bibliya o sa mga sulat ng mga Fathers of the Church (mga Ama ng simbahan) nahasa ang talino ni San Gertrudes. Nasubaybayan din niya ang mga turo o aral ng mga magagaling na teologo noong kanyang kapanahunan. Nagbasa siya ng mga aklat tungkol sa espirituwalidad. Nagsulat din siya ng sarili niyang mga pagninilay. Makikita sa mga sulat niya na may talento siya sa mabuting pangangatuwiran at pananalita. Base sa mga sulat niya, makikita na madali lang sa kanya ang magsulat sa wikang Latin. Fluent siya sa wikang ito, isang tanda ng kanyang magandang edukasyon. Naging ganap na mongha si Santa Gertrudes. Naging malapit siya sa kanyang guro at kaibigan na si Santa Mechtild, kapatid ng superyora ng kanilang monasteryo. Nakaranas si Santa Gertrudes ng pagdalaw ng Diyos sa pamamagitan ng mga visions o pangitain. Nanatili ang mga ito sa buong buhay niya. At binago ng mga ito ang landas ng buhay ng santa. Mas lalo siya ngayong nauhaw sa pagbabasa ng Bibliya at ng Teolohiya. Nagsulat si Santa Gertrudes at ilan sa mga ito ay matatagpuan pa rin ngayon. Magagamit ang mga sulat niya ng sinumang nagnanais na mapalalim ang buhay-panalagin at buhay-pagninilay. Naging deboto ng Mahal na Puso ni Hesus, ng Eukaristiya at ng Pagkakatawang-tao ng Panginoon (Incarnation) si Santa Gertrudes. Ang mga ito ang naging sentro ng kanyang mga pangitain at mga pagninilay. Lumaganap ang impluwensya niya dahil sa mga naiwan niyang panalangin at pagninilay. Bahagi na dito ang kanyang turo tungkol sa pagiging kabiyak (nuptial mysticism) ng Panginoon Namatay siya sa monasteryo noong 1302. Isa si San Gertrudes sa mga santong hindi pormal na na-canonize pero mabilis na natanggap ng mga tao ang kabanalan at ang katotohanan ng kanyang mga aral na naiwan. B. HAMON SA BUHAY Nakakahanga ang mga taong tulad ni Santa Gertrudes na kahit hindi namuhay sa gitna ng mundo ay nabuhay naman na buong-buo ang pagkakatutok ng puso at diwa sa Diyos. Ipagdasal natin ang mga madre, mga mongha at mga kababaihang nag-aalay ng buhay para sa Panginoon. K. KATAGA NG BUHAY Pagbubunyag 19: 9 At sinabi sa akin ng anghel: Isulat mo: mapapalad ang tinawag sa hapunan ng kasal ng Kordero. (From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 280
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed