SAINTS OF NOVEMBER: SANTA MARGARITA NG ESCOSIA (SCOTLAND)

NOBYEMBRE 16 A. KUWENTO NG BUHAY Woman Power! Maaari nating isigaw ito matapos nating makilala si Santa Margarita ng bansang Scotland o Escosia.  Mayaman at maganda, ginamit niya ang kanyang mga katangian hindi para sa sarili kundi para sa kapwa. Puno ng pananampalataya, nabago niya ang puso ng isang malupit na asawa. Napalaki niya ang kanyang mga anak sa buhay kabanalan at tumatak sa puso ng marami ang kanyang halimbawa. Bagamat lahing English(lahi ng mga taga-England), isinilang si Santa Margarita sa Hungary noong 1046 dahil doon naipatapon ang kanyang ama dahil sa pulitika ng kanilang tinubuang bayan  Nakabalik ang pamilya sa England, pero muli na namang kinailangan na tumakas sila patungong Scotland dahil sa kaguluhan sa pamamahala sa gobyerno sa bansang iyon. Nang mapadpad ang pamilya ng santa sa Scotland, hiningi ng hari ng lugar na ito ang kamay ni Santa Margarita upang pakasalan.   Sa payo ng kanyang pamilya, tinanggap ni Santa Margarita na maging asawa ng hari.  Hindi maganda ang reputasyon ng ugali ni Haring Malcolm III.  Subalit nagkaroon sila ng walong mga anak. Malaki ang impluwensya ng bagong reyna sa pagbabago ng ugali ng hari. Bagamat nahirapan siya sa ugali nito noong una, unti-unti niyang naakay ang kanyang asawang hari tungo sa pagiging mabuting-loob. Matiyaga na binabasahan ni Santa Margarita ng Bibliya ang kanyang asawa. Ang kanilang mga anak naman ay lumaking mabubuti. Dalawa dito ay kinikilalang mga santo kahit na walang canonization – sina David at Edith.  Si Edith ay naging reyna ng England at kilala doon bilang Reyna Matilda. Ginawa ni Santa Margarita na maging maayos ang simbahan sa Scotland. Inilapit niya sa mga tradisyon ng Roma ang buhay pagsamba ng mga tao. Binigyan niya ng pansin ang Ash Wednesday, ang Pagkabuhay ng Panginoon, at ang pamamahinga sa tuwing araw ng Linggo. Nagtatag siya ng mga monasteryo sa kaniyang teritoryo.  Nagtayo din siya ng mga simbahan.  Hindi niya nakalimutan ang mga mahihirap lalo na ang mga maysakit na kailangan ng ospital na mapupuntahan. Dahil sa kanyang pagmamahal sa mga mahihirap, araw-araw siyang nagpapakain ng mga nagugutom. Minsan ay hinuhugasan pa niya ang paa ng mga ito. Kahit saan siya magpunta ay nakapalipot ang mga pulubi dahil palagi siyang may dalang tulong para sa kanila. Namatay ang Reyna noong 1093 at agad ay itinuring na patron saint ng Scotland. Makapangyarihan sa lupa, makapangyarihan sa langit! B. HAMON SA BUHAY Posible maging banal anuman ang iyong kalagayan sa buhay. Maging si Santa Margarita na nabuhay sa karangyaan at karangalan ay nanatili namang mababang-loob at mapag-kawanggawa dala ng kanyang pag-ibig kay Kristo. Pagsumikapan nating maging malapit sa Diyos anuman ang ating kalagayan sa lipunan. K. KATAGA NG BUHAY Lk 21, 36 Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 494