Sino ang “Cassandra Martyrs of Charity?”
Noong Nobyembre 21, 1983, isang grupo ng 12 mga lingkod simbahan (isang pari, isang pastor, tatlong layko, at pitong madre) ang sumakay ng barkong MV Cassandra mula Agusan del Norte patungong Cebu City. Ang pakay nila ay magkaroong ng isang spiritual retreat at planning. Lahat sila ay mga misyonero sa Mindanao at lublob sa paglilingkod sa mga dukkha at nangangailangan doon. Nakikitira sila sa mga mahihirap upang tugunan ang mga suliranin sa gutom, sakit at kawalan ng tirahan.
Dahil sa bagyong Warling, ang barko ay lumubog at marami ang namatay sa dagat na puno ng mga pating. Ayon sa mga nakasaksi, ang 12 mga misyonero, sa halip na iligtas ang kanilang sarili, ay naging abala sa pagdarasal para sa iba, sa pagpapamudmod ng life vests, sa pagtulong sa mga bata, at sa pag-alalay sa mga tao na sumakay sa mga bangkang pang-rescue upang makalayo sa barko.
Nang magkaubos ang supply pang-kaligtasan, kasama ang 12 misyonero sa paglubog ng barko. Kung paano sila nabuhay, ay gayundin sila namatay – sa pagmamahal at paglilingkod tulad ni Kristo!
Ang mga martir na ito ay sina Sr. Consuelo (Remedios) Chuidian RGS; Sr. Concepcion (Lourdes) Conti RGS; Sr. Lucinda (Mary Catherine) Loreto RGS; Sr. Virginia (Mary Virginia) Gonzaga RGS; Sr. Josefa Medrano FMA, Sr. Amparo Gilbuena MSM, Sr. Antonette (Henrica) Berentsen ng Congregation of Julie Postel, Fr. Jan Simon Westendorp, O.Carm., Pastor Ben Bunio ng United Church of Christ in the Philippines at ang mga laykong sina Inocencio “Boy” Ipong, Evelyn Hong at Sena Canabria.
Ang mga madreng sina Sisters Remedios Chuidian, Lourdes Conti, Mary Catherine Loreto, and Mary Virginia Gonzaga of the Religious of the Good Shepherd (RGS) ay kinilala sa Bantayog ng mga Bayani noong 1999 para sa kanilang pakikibaka laban sa martial law at si Inocencio Ipong naman ng Rural Missionarias of the Philippines, ay kinilala noong 2013. Si Ester Resabal-Kintanar, na isang guro at aktibista ay kasama ng mga misyonero na namatay sa paglubog ng barko; bagamat hindi siya kabilang sa itinuturing na 12 martir, pinarangalan naman siya sa Bantayog ng mga Bayani noon 2015.