ANO ANG BANAL NA MISA? PART 38: ANG PAGKO-KOMUNYON (O Pakikinabang)
Mula pa sa sinaunang panahon, ang pormula na gamit sa Komunyon ay “ang Katawan ni Kristo.” Tugon naman natin: “Amen.” Ito ay isang pagpapahayag ng pananampalataya. Ayon kay San Agustin, ang ating tinatanggap na Katawan ni Kristo ay ang mismong tunay na kahulugan ng ating buhay. Tayo din ay Katawan ni Kristo. Tinatanggap din natin ang katotohanan na tayo ay Katawan din ng Panginoon. Ang tugon na “Amen” ay tanda ng ating pagsang-ayon sa pagiging bahagi ng Katawan ni Kristo.
Ang pagtanggap ng Komunyon sa bibig ay nagsimula lamang noong ika-siyam na siglo. Bago ito, ang kaugalian ay pagtanggap sa kamay. Makikita na ito sa aral ni San Cirilo ng Jerusalem (+387). Ayon sa kanya, ang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng kanang kamay na siyang magiging trono ng Katawan ni Kristo.
Ang pagluhod naman habang nagko-komunyon ay nagsimula noong ikalabing-isa hanggang ikalabing-anim na siglo.
Ang pagtanggap ng Dugo ni Kristo mula sa kalis ang kaugalian mula noong ikalabing-dalawang siglo. Mas nagiging kumpleto ang tanda kung kapwa tatanggapin ang Katawan at Dugo ng Panginoon bagamat ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo lamang o ng Dugo ni Kristo lamang ay sapat na upang tanggapin ang kabuuan ng pakikipag-isa sa Panginoong Hesukristo.
Iba’t-iba ang dahilan kung kaya ang mga tao ay hindi lahat sumasang-ayon sa pag-inom mula sa iisang kalis – maaaring dahil sa kalusugan o psychological. Sa ibang tradisyon, gumagamit ng straw (8th century) o kaya ay isinasawsaw lamang ang Tinapay sa Alak (7th century), kaya kagalang-galang at sinauna nang kilos ang mga ito. Subalit kung tutuusin, simple lamang ang mga salita ng Panginoong Hesukristo: Tanggapin ninyo ito at kanin… Tanggapin ninyo ito at inumin…
Anuman ang paraan ng pagtanggap ng Komunyon, dapat tandaan na magpakita ng paggalang at malalim na debosyon sa Katawan at Dugo ni Kristo.