Home » Blog » ANO ANG BANAL NA MISA? PART 39: GAANO KALIMIT ANG PAGKO-KOMUNYON

ANO ANG BANAL NA MISA? PART 39: GAANO KALIMIT ANG PAGKO-KOMUNYON

Mula pa sa ika-apat na siglo, ang pagtanggap ng Komunyon ay matatag na kaugalian na, at mas madalas pa nga ang pagko-Komunyon kaysa pagsisimba. Dahil noon ay maaaring iuwi ng mga tao ang Katawan ni Kristo at itago sa kanilang tahanan. Bago ang anumang gawain, inaasahan na magko-Komunyon sila sa kanilang tahanan. Naging problema lamang ang maayos na pagtatago at pangangalaga sa Katawan ni Kristo sa bahay. Sabi ni Hipolito, ingatan na hindi ito mapasakamay ng mga hindi nananampalataya, o makain ng daga o anumang hayop, o mahulog sa lupa at mawala. Kaya siguro natigil ang ganitong kaugalian ng mga unang Kristiyano.

Unti-unting dumalang ang pagko-Komunyon sa mga dumating na panahon dahil na din sa maraming mga kondisyon na ipinataw sa mga tao bago sila makapag-Komunyon. Sobrang pagkamangha sa sakramento na halos hindi na malapitan ng taong hindi karapat-dapat, mga penitensya na dapat isagawa bago makapakinabang, pag-iwas sa pagtatalik upang maging malinis ang puso bago makinabang – ang mga kaisipan o disiplinang ito ay naglayo sa sakramento ng pagkamahabagin ni Kristo sa mga taong minamahal niya. Noong ikalabing-isang siglo, iniutos na makinabang tatlong beses sa isang taon, at sa Lateran Council (1215), kahit isang beses sa isang taon. Sa Council of Trent hinimok ang madalas na pagko-Komunyon at pinatatag pa ito ni Papa Pio X. Ngayon, inaasahan na sa bawat Misa ay nagko-Komunyon ang mga tao (natural, na dapat ding handa ang puso at nagku-Kumpisal din kung kinakailangan bago ang pagko-Komunyon).