Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

SINO’NG KAKAMPI NG KETONGIN?

MK. 1: 40-45

MENSAHE

Ang ketongin sa Mabuting Balita ngayon ay ang karaniwang “patapon.” Ang ketongin ay isang itinakwil na dapat manatiling malayo sa iba dahil siya ay hindi nila gusto, hindi tanggap, hindi mahalaga, at hindi mahal. Para sa mga tinatawag na edukado, mayaman, at marangal sa mundo, hinusgahan na ang ketongin na dapat dumistansya o maglaho sa mata nila. Mamamatay ang ketongin na mag-isa, malungkot, at miserable. Walang makaka-alala sa kanya at wala ding magmamalasakit pa. Pero teka, heto ang Panginoong Hesus! Ginawa niya ang hindi inaasahan. Biruin mo, pinakinggan niya, hinawakan niya, kinausap niya at pinagaling pa ang ketongin. Pinagaling niya ito sa pamamagitan ng kanyang pusong bukas at mapagmahal bago pa man sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang mga kamay. Kaya, masisisi mo ba ang ketongin kung magtatakbo ito sa buong bayan para ihayag ang kanyang karanasan at ang kabutihan ng Diyos?

Ngayon kaydaming patapon sa mundo, mga taong iniiwasan kesa sinasalubong, binabalewala kesa kinakalinga, nilalayuan kesa nilalapitan. Ano nga ba ang ugali mo tungo sa mga taong madungis, laging nangungutang, immoral sa tantiya mo, o kaya ay nahusgahan mong madumi at makasalanan? Paano ka nagsasalita tungkol sa kanila? Gaano ka kalayo sa kanila? Paano mo sila pinatalsik sa puso mo?

Ang Mabuting Balita ay nakakabagbag-damdamin sa paglalarawan ng nag-uumapaw na awa ng Diyos. Tunay na siya ang takbuhan ng mga itinapon, ang kanlungan ng mga walang masilungan, ang pag-asa ng mga nasiphayo. Ang ketongin, at lahat ng patapon, sa wakas, may tahanan nang matatawag sa puso ng Diyos.

MAGNILAY

Sino ang “ketongin” ng iyong buhay? Nagkakasala tayo sa Diyos sa tuwing may mga tao tayong ipinupuwera, iniiwasan, o itinataboy sa ating puso. Magnilay kung paano ang pagtrato mo sa mga ganitong tao. Humingi sa Diyos ng patawad at ng bagong pananaw at ugali tulad sa kanya.