Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA B

IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA B

SINO ANG “ANG ANAK NG TAO?”

MK. 9: 2-10

MENSAHE

Tuwing Kuwaresma, binabalikan natin itong ebanghelyo tungkol sa Pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesukristo, isang tagpo na nagbigay-linaw sa mga alagad kung sino si Hesus at nagbigay pag-asa sa mga darating nilang pagsubok. Sa dulo ng pagbasa ngayon, tayo naman ang inilalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng isang titulong ginamit sa kanya: “Anak ng Tao.” Sabi ng mga eksperto, sa dinami-dami ng mga titulo ni Hesus, ito ang tiyak tayo na ginamit niya at itinawag niya sa kanyang sarili noon narito siya sa lupa.

Pero nakakagulat na ang ibang titulo, bigay sa Panginoon ng mga alagad niya, tulad ng Mesiyas, Anak, Anak ng Diyos at Kristo, ang siyang gamit natin ngayon, at bihira nating gamitin (hindi na nga e!) sa kanya ang “Anak ng Tao.” Ano nga ba ang kahulugan nito at gaano kahalaga ito sa ating patuloy na pagkilala Panginoon ngayon? Sa simpleng salita, ang titulong “Anak ng Tao” ay nangangahulugang si Hesus ang kinatawan ng Diyos at ng kanyang kaharian at ang kinatawan din ng sangkatauhan. Tagapagdala ng biyaya at paghuhukom ng Diyos. Pero kasabay nito, siya din ang tumpak na tugon ng tao sa paanyaya ng Diyos. Ang Anak ng Tao ay nakikibahagi sa buhay ng kanyang mga kapatid, kahit na itinatakwil siya ng mga ito. Dadanas siya ng pagkapahiya at pag-uusig sa kamay ng kapwa-tao. Sa kabila ng lahat, dahil siya ang sumasalamin sa awa at pag-ibig ng Diyos, luluwalhatiin siya ng Ama. Balang araw, babalik ang Anak ng Tao upang husgahan na may habag ang buong mundo ayon sa pangako ni Hesus.

Kaya malinaw na si Hesus ay Anak ng Tao dahil sa kanyang kababaang-loob, sa pakikibahagi niya sa pangaraw-araw nating pagsisikap at pakikibaka, at sa paghahagilap ng kahulugan ng buhay. Sa kanya din magmumula ang bukal ng ating pag-asa, dahil kahit siya ay kapwa natin, siya ay nangggaling sa Diyos, puno ng kapangyarihan ng Espiritu at naghahandog ng pagmamahal at pagpapatawad sa atin. Bihira man nating gamitin ang “Anak ng Tao,” mainam sigurong pagnilayan natin ito ngayong ikalawang linggo ng Kuwaresma upang matagpuan ang kahulugan at hamon nito, para kay Hesus, at maging sa ating buhay.

MAGNILAY

Hesus, liwanagan mo ako sa mga araw na ito ng Kuwaresma upang mabatid ko kung gaano mo ibinaba ang sarili upang yakapin ang aking dupok na pagkatao, mga kahinaan, limitasyon at pagdurusa. Tunay kang naging “kapwa-tao” sa gitna namin. Bigyang lakas mo ako sa tuwing maaalala ko na sa piling mo, ako ay nasa presensya ng Diyos na tumatawag sa aking magmahal, maglingkod at magpatawad. Hesus, Anak ng Tao, ilapit mo ako sa iyong puso! Amen.