(image from the internet)
Pinaka-iingatang yaman ng Santa Maria, Bulacan ang imahen ng Mahal na Birhen na Patrona ng bayan. Kilala sa taguring “La Purissima Concepcion” ang imaheng ito ng Birhen. Bukambibig na noon pa ng matatanda sa bayan na sila ay nagdarasal o nagde-debosyon sa “La Purissima,” isang pangalan sa Birhen na tila katangi-tangi sa mga taga-Santa Maria lamang mapapansin.
Naniniwala ang mga tao na ang imahen ay mapaghimala dahil na rin sa mga kuwentong sinauna na nagpatunay ng pangangalaga ng La Purissima sa mga taumbayan at sa mga ibang deboto mula sa mga karatig na pook.
Saan nagmula ang imahen? Ayon sa paniniwala ng mga taga-Santa Maria, may dalawang kuwento ng pinagmulan nito.
Una, na ito ay ipinalilok at dinala ng mga prayleng Fransiskano, na siyang nagtatag o nangalaga ng parokya.
Ikalawa, ito daw ay inukit mula sa kahoy na nagmula pa sa isang galleon (barko) na dating lumalayag mula Maynila hanggang Acapulco(Mexico). O na ito ay mula mismo sa isang paglalayag ng galleon. Usap-usap pa noon ng mga tao na ang imahen ay “kapatid” ng mga imahen ng Birhen ng Antipolo at Birhen ng Salambao (na pinaniniwalaang nagmula din sa mga dumaong na galleon). At siya ng pinakamaputi sa tatlong imaheng ito.
Alinman o kapwa mang tunay ang mga salaysay na ito, isa lamang ang kahulugan. Na ang imahen ng La Purissima ay antigo at matagal nang pinagpipitaganan sa buong bayan.
Ang parokya ng bayan, na kilala noon na Santa Maria de Pandi, ay naitatag noong pang 1792, at ang Patrona noon pa man ay ang La Purissima. At tama lang isipin na marahil kaya ang bayan ay tinawag na Santa Maria ay dahil nga siya ang Patronang inuluklok noon pang simula, sa kanyang titulo bilang La Purissima Concepcion, nag-iisang parokya sa Pilipinas na may ganitong pangalan hanggang ngayon.
Ano ang kaibahan ng titulong “La Purissima Concepcion” at ng “Immaculada Concepcion”?
Iisa at pareho lamang ang kahulugan ng mga salitang ito:
La Purissima Concepcion – ang napakadalisay na paglilihi (the purest)
Immaculada Concepcion – ang kalinis-linisang paglilihi (clean, without stain)
Ang tinutukoy ay ang paniniwalang Katoliko na ang Mahal na Birhen ay ipinaglihing walang bahid ng salang-orihinal sa sinapupunan ni Santa Ana, na siyang kanyang ina. Ang paglilihing ito na walang sala ay hindi kapangyarihang likas kay Maria kundi nagmula sa bisa ng pagliligtas ni Hesus na magiging Anak niya sa hinaharap… sa tamang panahon.
Kumbaga, “na-advance” ang biyaya ng kaligtasan sa buhay ni Maria dahil nga pinaghandaan ng Diyos ang Pagkakatawang-tao ni Hesus na Anak ng Kataas-taasang Diyos. Utang lahat ito ng Mahal na Birhen sa kanyang Anak at Panginoon na si Hesus. Kailangan ng malinis na sisidlan para sa napakalaking biyaya ng pagdating ng Diyos sa kasaysayan.
Ang titulong Kastila na “La Purissima Concepcion” ang tawag sa paniniwalang ito simula pa noong una. Subalit nang ipahayag nang pormal at opisyal ang paniniwala at naging isang dogma (o pinagtibay na doktrina) noong 1854, ang ginamit na titulo sa dokumentong “Ineffabilis Deus” ni Pope Pius IX ay “Immaculada Concepcion.”
Dahil mas matanda ang titulong “La Purissima” kaysa sa “Immaculada,” ibig sabihin, talagang matagal nang pinararangalan ang doktrina o paniniwalang ito sa buhay ng mga mananampalataya ng Santa Maria. Kaya hindi na rin binago ang titulong gamit nila, tulad din ng ginawa sa ibang mga lugar sa Europa na hindi rin binago ang titulo (sa Espanya, mayroong mga Convento de la Purissima Concepcion, Iglesia de la Purissima Concepcion, etc.).
Dalawang beses na nawala ang imahen ng La Purissima sa kanyang dambana. Una, sa pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino, noong 1899 ay inilikas daw ang imahen upang hindi mawasak. Naisauli ito noong bandang 1930’s ng isang Teofilo Ramirez na nagsabing napanaginipan niya na ang imahen ay nasa Gapan at nais magbalik sa Santa Maria.
Noong 1999 naman ay ninakaw ito mula sa simbahan isang gabi. Naisauli ito matapos ang masusing pagtutulungan ng mga awtoridad at sa tulong daw ng tanyag na Bulakenyong si G.Blas Ople. Nawala ang mga alahas at palamuti subalit buong galak at nag-iiyakang sinalubong nga mga taga-Santa Maria ang mahal na Patrona.
Kung hindi ako nagkakamali, may isang lumang pelikula si Joseph Estrada kung saan isinadula ang pagbabalik ng imahen sa kanyang unang pagkawala.
Pinutungan ng korona ng Obispo ng Malolos Lubhang Kagalang-galang Jose Oliveros ang imahen noong Marso 3, 2018 (Episcopal Coronation).
Pinutungan namang muli ng korona sa kagustuhan ng Santo Papa, Papa Francisco ang imahen noong Pebrero 1, 2020 (Canonical Coronation, na ang petsa ng dekreto ay Marso 28, 2019).
Ang ganitong ritwal ng pagpuputong ng korona ay pagkilala sa malalim na debosyon ng mga tao at sa mapaghimalang pamamagitan ng Mahal na Birhen sa kanyang mga anak sa paglipas ng mga panahon.
Tinatayang mahigit 200 taon na ang debosyon ng mga taga Sta Maria Bulacan sa imaheng ito.
Sa talaan ng mga imahen ng Birheng Maria na tumanggap ng Canonical Coronation, ang La Purissima ang ika-43 sa mga imaheng ginawaran sa Pilipinas.
Ang sikat na simbahang dambana ng La Purissima ay matatagpuan sa pinakamataas na lugar sa Poblacion at nanatiling nakatayo bilang isang piping saksi sa pag-unlad at pagyabong ng bayan. Dati, kita ito hanggang sa malalayong baryo ng bayan lalo na kapag napapalibutan na ng mga ilaw sa panahon ng pista ng Pebrero. Ngayong marami nang bahay at gusali, hindi na ito nababanaagan tulad noon.
Taong 2021 nang ganap na kilalanin at itanghal na isang Minor Basilica ang simbahang ito ayon sa kautusan ni Pope Francis.
Ipinagpipista taun-taong ang La Purissima sa unang Huwebes ng buwan ng Pebrero, basta huwag lamang itong matapat sa Pista ng Candelaria (Peb. 2), kung saan ililipat ito sa ikalawang Huwebes. Tradisyon na noon pa na matapos ang pista ng bayan ay saka pa lamang sunud-sunod na magpipista ang mga baryong bumubuo sa bayan ng Sta. Maria. Tuwing pista ng bayan, dumadagdag sa kasiyahan ang nakapalibot na mga tindahan, na tinatawag na mga “sidera,’ sa patio ng simbahan. Ito lamang din ang pagkakataong nakakakain ang mga tao ng halamang-ugat na kung tawagin ay “tuge/ tugi” na ibinebenta ng mga sidera.
(Bahay-Poon: sinasabing tahanan ng pamilyang nag-alaga sa imahen
at kung saan daw dati siya binibihisan o ginagayakan para sa pista; nasa ibaba lang ito ng
simbahan; nakatayo pa rin ngayon; kilala sa mga poon na nakapalibot sa bakod ng bahay)
other early images from the Internet
Total Views: 1,275