Home » Blog » SAINTS OF FEBRUARY: OUR LADY OF LOURDES

SAINTS OF FEBRUARY: OUR LADY OF LOURDES

PEBRERO 11
MAHAL NA BIRHENG MARIA NG LOURDES
(PANDAIGDIGANG ARAW PARA SA MGA MAY KARAMDAMAN)
 
A. KUWENTO NG BUHAY
Napakaraming mga tao, kabilang ang mga Pilipino, ang pinapangarap na makarating sa Lourdes sa France upang dalawin ang banal na dambana ng Mahal na Birheng Maria ng Lourdes.  Marami ang dumadalaw taun-taon upang humingi ng kagalingan mula sa iba’t-ibang karamdaman ng kanilang katawan.  Subalit higit na marami ang nakakaranas doon ng katiwasayan at kapayapaan ng kanilang kaluluwa at damdamin.
At kahit na hindi tayong lahat makakarating sa Lourdes bilang bahagi ng isang pilgrimage, sa mga bakuran ng maraming tahanan dito sa Pilipinas ang may mga grotto ng Mahal na Birhen ng Lourdes, na siyang munting replika na ala-ala ng ating debosyon sa kanya. 
Ang ginugunita natin sa kapistahang ito ay ang mahiwagang pagpapakita ni Maria, Ina ng Diyos, sa isang napakasimpleng lugar sa isang tahimik na probinsya sa France noong 1858.  18 beses na nagpakita ang Mahal na Birhen sa isang kabataang babae na mula sa isang pamilyang kapus-palad at halos naghihikahos.
Si Santa Bernadette Soubirous at ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan ay naghahanap noon ng kahoy na panggatong sa kanilang pagluluto nang makuha ang atensyon ni Santa Bernadette ng isang magandang babae na bigla na lamang lumitaw sa isang kuweba ng Massabielle.
Ang unang pagtatagpong ito ni Santa Bernadette at ng Mahal na Birhen ay nasundan ng marami pang ibang pagkakataon. Mula Pebrero 11, 1858 hanggang Hulyo 16 ng taon ding iyon, natunghayan ng dalagita ang mahiwagang babae na may dalang mga mensahe tungkol sa kapayapaan at pagbabagong-loob ng mga tao.
Nang dumating ang tamang panahon, nagpakilala ang makalangit na panauhin ni Santa Bernadette bilang ang “Immaculada Concepcion,” isang titulo ng Mahal na Birheng Maria (tunghayan ang paliwanag sa unang aklat ng seryeng ito sa araw ng Disyembre 8).
Maraming mga balita ng himala ng pagpapagaling sa karamdaman ang naganap sa Lourdes noon at dahil dito ay mabilis kumalat ang debosyon ng mga tao sa Mahal na Birhen.  Naging masidhi rin ang pagnanasa ng mga tao sa mas malalim na buhay-panalangin, at pagpapanariwa ng pananampalataya sa Diyos at sa simbahan.
Si Santa Bernadette, na dumanas ng maraming pagsubok kaugnay ng kanyang karanasan, ay pumasok sa kumbento upang maging isang madre. Doon siya nabuhay nang tahimik habang naglilingkod at nagdarasal.  Doon siya namatay at kinilala ang kanyang kabanalan na bunga ng kanyang tanging kaugnayan sa Mahal na Birhen.  Sa France, sa lugar na tinatawag na Nevers, ay matutunghayan pa rin hanggang ngayon ang katawan ni Santa Bernadette, na matapos ang kanyang kamatayan ilang daang taon na ang nakalilipas, ay hindi pa naaagnas o nabubulok. Dinadayo ito ng mga tao upang makita ang tila natutulog na kagandahan ng santa.  Masusugid na deboto ng Mahal na Birhen ng Lourdes at ni Santa Bernadette ang aking mga kaibigang si Fr. Joey Guinto, SVD, isang banal na paring misyonero, at si Bro. Winston Victorino, isang modelong katekista at lingkod-parokya.
Hindi si Santa Bernadette ang sentro ng milagro sa Lourdes.  Ito ay walang iba kundi ang Mahal na Birhen na siyang tagapamagitan natin sa Diyos bilang Immaculada Concepcion.  Ngayon sa buong mundo ay inaalala ang mga maysakit, mga mahihina at mga mahihirap sa tuwing darating ang araw na ito.
B. HAMON SA BUHAY
Ang aking yumaong kaibigan na si Christian Capinpin, noong bata pa siya, ay nakaranas ng pagpapagaling nang dumalaw siya kasama ng kanyang mga magulang na sina Raffy at Jane, at bunsong kapatid na si Lorenzo, sa Lourdes. Buong buhay niyang dala-dala sa kanyang puso ang ala-ala ng biyayang natanggap niya doon.  Anong biyaya ang tinanggap mo sa iyong buhay sa tulong ng Mahal na Birhen?  Naging mas malapit ka ba sa kanya?
 
(mula sa aklat na Isang Sulyap sa mga Santo by Fr RMarcos)

1 Comments