PEBRERO 14
SAN CIRILO, MONGHE, AT SAN METODIO, OBISPO
A. KUWENTO NG BUHAY
Tulad ni Santa Escolastica at San Benito, magkapatid din ang mga santong ating pinararangalan ngayon sa ating kalendaryo ng simbahan. Mula sa Tessalonika sa bansang Greece ang magkapatid na Constantino at Miguel.
Naging isang pari si Constantino at binago ang kanyang pangalan sa Cirilo nang siya ay pumasok bilang isang monghe sa Roma bago siya mamatay. Tinanggap niya ang isang magandang edukasyon sa Constantinople at doon din naisipang magpari. Pagkatapos na maging isang ganap na pari, una siyang naglingkod sa Constantinople (ngayon ay Istanbul, Turkey) kung saan nagturo siya ng pilosopiya.
Ang kanyang kapatid na si Miguel ay naging gobernador ng isang probinsya pero nagbago siya ng landas at naging isang monghe at binigyan din ng isang bagong pangalan – Metodio.
Kinikilala bilang mga apostol sa mga bansang Slav ang magkapatid na sina San Cirilo at San Metodio. Ang Slav ay isang rehiyon sa Europa kung saan may natatanging wika at natatanging kultura na tinatawag ding Slav. Sa mga lugar ng Moravia, Bohemia at Greece nagmisyon ang magkapatid at naging matagumpay sa pagtatanim ng punla ng pananampalataya doon.
Paano naganap ito? Isang hari ng Moravia ang noon ay naghahanap ng mga misyonero upang magpalaganap ng Kristiyanismo sa kanyang mga nasasakupan. Pero ang tangi niyang hiling ay dapat magsalita ng wikang Slav ang mga misyonero. Ang magkapatid na San Cirilo at San Metodio ang siyang ipinadala upang tugunan ang kahilingan ng hari.
Dahil iba nga ang kultura ng mga taong Slav, ibang iba din ang naging approach ng magkapatid kaysa mga misyonero mula sa bansang Germany na nagmimisyon din sa naturang lugar. Ginamit nila ang kultura ng mga tao. Ginamit nila ang wika ng mga tao.
Isinalin nila ang Bibliya sa wikang Slav. Nagsulat sila ng mga akdang pang-liturhiya sa wikang Slav. Ang kanilang mga nagawa sa wikang ito ay kinikilala ngayon bilang Cyrillic alphabet bilang paggunita kay Cirilo.
Nagkaroon ng inggit at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng magkapatid na San Cirilo at San Metodio at ng mga misyonerong kakaiba sa kanila ang istilo ng pagpapahayag ng pananampalataya. Inireklamo nila ang ginagamit na istilo ng pagsunod sa kultura ng mga tao sa halip na ilapat ang kultura mula sa Roma.
Iba naman ang pananaw ng Santo Papa sa nagawang paglilingkod ng dalawa. Nang dumalaw sa Roma ang magkapatid ay itinalaga silang mga obispo ng Santo Papa. Pinagtibay din nito ang mga nagawa nilang liturhiya sa wikang Slav.
Hindi sigurado kung aktuwal na na-ordenahan bilang obispo si Constantino dahil namatay siya sa Roma noong Pebrero 14, 869 matapos siyang pumasok sa buhay bilang monghe. Sa kanyang pamamanata ay binago na nga ang kanyang pangalan sa Cirilo. Matatagpuan ang kanyang libingan sa basilica ni San Clemente sa Roma.
Si San Metodio naman ay bumalik bilang kinatawan ng Santo Papa sa mga bansang Slav. Pumunta siya sa lugar na tinatawag na Pannonia upang doon maglingkod nang buong sigasig. Hindi siya tinigilan ng panggugulo ng kanyang mga kaaway mula sa Germany. At naging mahirap ito para sa kanyang pagganap sa tungkulin. Malaking tulong naman ang pag-ganyak sa kanya ng Santo Papa kahit na minsan ay naging mahigpit din ang pag-trato sa kanya nito.
Namatay si San Metodio noong Abril 6, 884 o 885 matapos ang isang buhay na puno ng dedikasyon sa misyon para sa mga taong minamahal niya.
B. HAMON SA BUHAY
Sa tulong ng magkapatid na santong San Cirilo at San Metodio, matuto nawa tayong lalong magpahalaga sa ating pananampalataya at sikapin nating ilapat ito sa ating kultura at tradisyon bilang mga Pilipino. (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)