SAINTS OF FEBRUARY: SAN GREGORIO NG NAREK (PEBRERO 27)
SAN GREGORIO NG NAREK, ABAD AT PANTAS KUWENTO NG BUHAY Ang bansang Armenia ay isang maliit na bansa na may malaking kontribusyon sa kasaysayan ng simbahan. Ito ang unang Kristiyanong bansa sa kasaysayan. Kilala din ang bansa dahil sa Armenian genocide, ang malawakang paglipol sa mga mamamayang Armeno sa kamay ng mga Turko ng Ottoman empire dahil sa pagkakaibang kultural at relihyoso ng dalawang lahi. Ang mga Armeno ay Kristiyano at ang mga Turko ay Muslim. Mula sa mga magigiting na Kristiyano ng Armenia ang ating santo sa araw na ito. Isinilang si Gregorio sa munting nayon malapit sa lawa ng Van sa pagitan ng taong 945 at 950. Nang pumanaw ang kanyang mga magulang, siya at ang kanyang kuya ay inampon ng isang edukadong amain at pinag-aral sa monasteryo ng Narek kung saan ang amaing ito ay isang monghe. Ang monasteryong ito ay isang sikat na sentro ng karunungan na noon ay nasa lugar na tinatawag ngayong Turkey. Pumasok din sa monasteryo si Gregorio at na-ordenahang pari noong taong 977. Bilang isang propesor ng teolohiya, nagsulat si Gregorio ng mga espirituwal na pagkaunawa niya sa Awit ng mga Awit, at ng isang espirituwal na tula na tinawag na Aklat ng Panalangin o Aklat ng Kapighatian. Inilarawan niya ang kanyang tula bilang “isang ensayklopedia ng panalangin para sa mga bansa.” Ang klasikong panitikang Armeno na ito ay naisalin sa 30 wika. Ang teksto nito na nasa wikang Ruso ay nilapatan ng musika noong 1985. Kaunti ang kaalaman sa kasaysayan ni Gregorio, maliban sa kamatayan niya noong unang bahagi ng ika-11 siglo at ang paglilibing sa kanya sa loob ng Narek monastery kung saan ginugol niya ang buo niyang buhay. Noong 2015, sa paggunita nbg ika-100 anibersaryo ng Armenian genocide sa dating Ottoman empire, sabay nagmisa sina Pope Francis at ang Patriarkang Armeno, si Nerses Bedros XIX Tarmouni, at ipinahayag ang monghe, manunula at santong si San Gregorio ng Narek bilang Pantas ng simbahan. Ang kapistahan niya ay tuwing Pebrero 27. HAMON SA BUHAY Ang Simbahang Armeno Apostoliko ay isa sa mga hindi kumilala sa Council of Chalcedon noong taong 451 kung saan ipinahayag ang buong pagka-Diyos at buong pagkatao ng Panginoong Hesukristo. Ang Simbahang Armeno Katoliko naman na nagsimula noong ika-17 siglo ay naging kaugnay ng pananampalatayang Katoliko sa Roma. Noong 1996, sabay na nagpahayag sina Papa Santo Juan Pablo II at ang Katolikos (Papa ng mga Armeno) Karekin I ng pagkakaugnay ng pananampalataya ng dalawang simbahan. Bunga ng panalangin, ang dalawang magkasalungat ng grupo ay napagkakaisa kahit nananatili ang kanilang kaibahan, at maging sa kabila ng dating mga alitan. (sa panulat ni Fr. RMarcos, ourparishpriest website) Share on FacebookTweet Total Views: 68
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed