Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA B

IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA B

ILABAS MO PO AKO SA KADILIMAN…

JN 3: 14-21

MENSAHE

Panginoon, inaamin kong hindi komportable ang manatili sa dilim. Wala kang masyadong maaninag, at limitado ang kilos. Napapalibutan ng itim na kawalan, pati isip ay hindi kayang maging malikhain. Subalit bakit pinili ko pa ding magtago sa dilim? Ano ba ang nasa kadiliman at hinahanap ko ito? Sa dilim kasi, kaya kong magtago sa mga tao, sa mga mapanuri at mapanghusgang mga mata, at sa mga malupit at matulis na dila nila. Sa dilim, malayo ako sa pakiramdam na mahiya, magpanggap, o kaya ay magbalatkayo. Sa dilim, meron akong maliit na mundo; walang kulay oo, pero lugar kung saan ligtas ako, ligtas ang aking mga kasalanan, ang aking pag-aalsa, ang aking galit, pati na ang aking sakit na itinatago sa puso at isip.

Kaya lang, habang nasa dilim, Panginoon, hindi naman ako talaga napapanatag. Inaasam kong makalayas dito upang mabalot ng iyong liwanag. Hinihintay kong kumawala sa itim na paligid upang madama ang init ng iyong pagmamahal, pagpapatawad, habag at pagtatanggol. Nais kong makalampas sa madilim na bangin at makipot na mundo upang makita ko ang malawak mong puso na dulot ay kaligtasan at kapatawaran. Pumasok ka sa dilim ng aking mga pagdurusa. Batid mo ang dilim ng aking mga kasalanan, at hindi naging hadlang ito upang lalo mo akong yakapin at hilahin palayo sa daigdig ng kadiliman. Hesus, tulungan mo akong lumapit sa liwanag; tulungan mo akong matagpuan ka, ang Liwanag ng daigdig, ang Liwanag ng aking buhay.

MAGNILAY

Ngayong linggo ng Kuwaresma, pagnilayan natin si Hesus bilang Manunubos na hindi humahatol kundi nagliligtas, at bilang Liwanag na nagtataboy ng dilim. Ihanda natin ang ating mga puso na lisanin ang dilim ng kasalanan at masasamang nakaraan sa Sakramento ng Kumpisal, at maging sa mahalagang gawain ng espirituwal na pagpapayo o pagsangguni sa espirituwal na taong makakaunawa sa akin. Maging handa tayong magsakripisyo na may pagmamahal at pagkahabag upang maging karapat-dapat tayong tumanggap sa Liwanag na si Hesus nating Panginoon.