IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA B
ANG PANGINOON NG KALUWALHATIAN
JN 12: 20-33
MENSAHE
Kung sinusundan natin ang ating mga lingguhang pagninilay, mapapansin na nagsimula tayo sa pagtawag sa Espiritu Santo na samahan tayo ngayong Kuwaresma (week 1). Sa mga sumunod na linggo, kinilala natin ang iba’t-ibang aspekto ng pagkakakilanlan ni Hesus – bilang Anak ng Tao (week 2), Anak ng Diyos (week 3), at Liwanag ng daigdig (week 4). Ngayon naman pagnilayan natin si Hesus bilang “Panginoon ng Kaluwalhatian.” Paulit-ulit sa ebanghelyo ang salitang “luwalhati” o “luwalhatiin”: luluwalhatiin ang Anak ng Tao, niluwalhati ang ngalan ng Ama. Ano ba itong “luwalhati” ni Hesus na ito? Tinutukoy nito na si Hesus ang sukdulang Hukom ng lahat, ang magpapalayas sa masamang pinuno ng mundo. Sa kanyang sarili, lalapit lahat ng tao. Sa madaling salita, ito ay ang tagumpay ni Hesus laban sa kanya at sa ating mga kaaway, ang kapangyarihan at pagsakop ng Diyos sa buong daigdig sa pamamagitan ng kanyang Anak. At hindi ito eksklusibo; ibinabahagi ito ng Panginoon sa mga nagmamahal at sumusunod sa kanya. Sino ang hindi magaganyak na makiisa sa luwalhati ng Panginoon?
Subalit may kapares ang aral na ito. Sinasabi ng Panginoon sa atin na dapat mahulog sa lupa at mamatay ang butil bago mamunga ito; dapat bitiwan ang buhay bago makamit ito. Kailangan siyang itaas muna (ipako) bago mabuhay na mag-uli. Kung gayon, ang luwalhati pala ay hindi biyayang mumurahin kundi biyayang mamahalin. Kailangang dumaan sa sakit, sakripisyo, at mamatay sa kasalanan, sa pagkamakasarili at sa pagka-alipin ng mga pagnanasa bago marating ang luwalhati. Nakatanggap ako ng pagbati minsan mula kay Cardinal Gaudencio Rosales, at isinulat niya: Pagkatapos ng Krus… Kaluwalhatian! Nais natin ng luwalhati di ba? Pero handa ba tayo munang yakapin ang mga krus ng buhay, ialay ito sa Panginoon, o tumulong sa iba na magpasan ng krus nila, upang sa bandang huli, makatagpo natin ang Panginoong Kaluwalhatian na babati sa atin at magkakaloob ng gantimpala sa atin?
MAGNILAY
Natural na maghangad ng maluwalhating buhay, lalo na ang makabahagi sa luwalhati ng Panginoon. Subalit, ituring muna natin ang ating mga krus sa buhay bilang daan upang makaugnay ni Hesus. Anuman ang krus na pasan-pasan – maging atin man o sa isang mahal sa buhay – hilingin sa Panginoon na basbasan ito at bigyan ka ng tapang na huwag iwaglit kundi pasanin ito nang may pananampalataya sa kanya. Darating din ang iyong araw ng luwalhati. Sabihin mo lagi: “Hesus, Hari ng Kaluwalhatian, maging matatag kong sandigan at kaligtasan.”