GOOD FRIDAY: MAHIRAP MAG-ISA KA SA KRUS

PAGNINILAY SA MAHAL NA ARAW (BIYERNES SANTO) MENSAHE Hinahanapan ko ng saysay ang karanasan ng pangungulila, pag-iisa, loneliness eka nga. Lahat ng tao dumadanas nito. May mga sandaling tila hiwalay tayo sa iba, nag-iisa kahit sa gitna ng karamihan, walang koneksyon sa mga tao at sa kapaligiran. Mahirap takasan ito kasi hindi lang isang beses, kundi paulit-ulit itong bumabalik sa atin. Tinanggap ni Hesus ang pag-iisa noong hindi siya naunawaan ng iba, noong hinusgahan at hinatulan siya, at nang pati mga alagad, hindi siya nakayang ipagtanggol. Tinanggap niya ang sukdol na loneliness, ang kamatayan. Sa kamatayan, mag-isa siya, at tila pa nga, pati ang Ama ay iniwan na siya. Subalit hindi nilaktawan o binura ni Hesus ang pangungulilang ito kundi lalo pang niyakap kahit pa pumanaw ang sarili niyang kalooban, balak, kagustuhan. Nakakagulat, sa kamatayan, doon din niya natagpuan ang bagong buhay. Ito ang regalo ng Ama sa kanyang katapatan sa gitna ng kalungkutan, pag-aalinlangan, at pagdurusa. Nang muling mabuhay, tinamasa niya ang isang bagong pag-iral, pati na ang kakayahang maging kasangkapan ng buhay, pag-asa, kapayapaan, at kagalakan sa iba. Ngayon, maibabahagi na ni Hesus ang Espiritu, at matutulungan na niya ang mga taong lonely na matapang ding pagdaanan ang kamatayan ng karanasang ito upang balang araw ay marating ang buhay at pagkakaisa sa Diyos. Sa buhay ni Hesus, madalas na siya mismo ang naghanap ng pag-iisa, lalo na para magdasal. Pero isang manunulat ang nagsabi na may dalawang dahilan kung bakit minsan humihiwalay ang Panginoon sa mga tao: Una, dahil gusto talaga niya maranasan ang karanasan ng pagiging lonely. Kasi kung ililigtas niya tayo dito, dapat alam muna niya ang pakiramdam nito, tulad din nang dinanas niya at naunawaan ang ating karanasan ng gutom, uhaw, kahirapan, takot, at sakit. Ikalawa, dahil gusto niyang hanapin at makatagpo ang mga taong lonely sa mundo, iyong iniiwasan, ipinupwera, itinataboy, mga taong walang suporta at masasandigan. Nilimot niya ang marami para makaugnay ang ketongin, ang prostitute, ang maniningil ng buwis, ang babaeng nangalunya, ang inalihan ng masamang espiritu. Pinili ni Hesus na maging lonely para marating niya ang mga taong nandoon lang sa laylayan ng lipunan at hindi napapansin ng iba. MAGNILAY AT KUMILOS Ngayong mga Mahal na Araw, titigan mo si Hesus na nangungulila at nag-iisa sa Krus. Paano mo ba siya nakakalimutan sa buhay mo, sa pagsasabuhay mo ng pananampalataya mo, sa pagka-abala mo sa ibang mga bagay? Alalahanin mo din ang mga taong “tago” ang pagiging nangungulila at nag-iisa sa kanilang mga tahanan, karamdaman, krisis, at problema sa buhay. Baka naman, maaari kang mag-abot ng bagong buhay sa kanila sa pamamagitan ng pagaabot ng iyong kamay sa pamamagitan man lang ng isang text, isang message, isang tawag, o isang pagdalaw? HESUS, HARI NG MGA NANGUNGULILA AT NAG-IISA, MAAWA KA SA AMIN! Share on FacebookTweet Total Views: 320