PAG-ASA SA KUWARESMA 2: SANTANG HALIPAROT?

Santa Maria ng Ehipto ANG KANYANG BUHAY Isinilang sa Ehipto si Maria noong 344. Sa batang edad, naglayas mula sa kanyang tahanan at namuhay sa Alexandria. Natuto siyang gamitin ang kanyang katawan upang makuha ang anumang kailangan niya. Bagamat sinasabing siya ay isang “prostitute,” ang totoo ay hindi tumanggap ng bayad si Maria sa kanyang serbisyo. Sa loob ng 17 taon, nasanay siyang gamitin ang kanyang katawan at minsan pa nga ay pinipilit niyang magpagamit sa mga lalaki. Naging isa siyang addict sa pita ng laman, isang haliparot o babaeng mahilig sa gawaing maituturing ngayon na malandi o malaswa. Minsan nakatagpo siya ng isang grupo ng mga Kristiyanong patungo sa Herusalem upang mamanata. Sumama siya sa mga ito na ang pakay ay manghalina ng mga lalaking magpapasaya sa kanya. Sa ganitong paraan nga niya nagawang sumakay sa barko nang libre. Sa Herusalem, nang papasok sana siya sa isang simbahan upang parangalan ang bahagi ng Tunay na Krus ni Kristo, hindi niya magawang maihakbang ang mga paa papasok sa simbahan. Sa halip, nalupasay siya sa isang tabi, napaluhod at napaiyak na lamang. Nakita niya ang isang imahen ng Mahal na Birheng Maria at napuno siya ng kahihiyan at pagsisisi. Nagdasal siya sa Mahal na Birhen na tulungan siyang makapagsisi at makapagbagong-buhay. Sa wakas, nagawa niyang pumasok sa simbahan upang halikan ang Krus at ipagkatiwala ang sarili sa Mahal na Birhen. Sinabi sa kanya ng Mahal na Birhen sa isang pangitain na magtungo siya sa disyerto kung saan siya makatatagpo ng kapayapaan. Kaya paglabas ng simbahan, tinungo niya ang disyerto. Subalit bago ito, dumaan siya sa isang simbahan malapit sa Jordan River upang magpabinyag, magkumpisal at mag-Komunyon. Naglaho siya pagkatapos sa disyerto ng 47 taon. Minsan may isang pari na nakatagpo si Maria sa disyerto. Madungis, madumi, maputi na ang kanyang mga buhok at matanda na siya noon. Sa pakikipag-usap sa pari, inilahad ni Maria ang kanyang dating buhay at ang kanyang bagong buhay sa gitna ng disyerto na puno ng panalangin at sakripisyo. Naramdaman ng pari ang kabanalan at kadalisayan ng puso ng babaeng ito na dating isang haliparot at namuhay na tulad ng kalapating mababa ang lipad. Hiniling ni Maria na bagamat minsan sa isang taon lamang pumunta ang pari sa disyerto, maaari ba nitong dalhan siya ng Banal na Komunyon sakaling magbabalik ito. Ginawa ito ng pari nang ilang beses sa kanyang taunang pagbisita sa disyerto, sa laking katuwaan ni Maria na nangungulila sa Katawan ni Kristo. Nang minsang bumalik pa ang pari, nakita niya ang hindi naagnas na katawan ni Maria, na namatay pala matapos tumanggap ng kanyang huling Komunyon. Taong 421 nang pumanaw sa diwa ng pagsisisi, sakripisyo, at kabanalan si Maria. Inilibing siya ng pari na may lubos na paggalang. ANG KANYANG ARAL Sa bisa ng tapat na pagsisisi at pagtalikod sa kanyang mga kasalanan, nagawa ni Santa Maria ng Ehipto na buksan ang kanyang puso sa paghihilom ng Diyos. Tiyak na dumaan siya sa maraming hirap sa kanyang pakikipagtunggali sa tukso ng laman, sa kahinaan ng kanyang pagpapasya, at sa kanyang mabagal na pagbabago. Subalit hindi kailanman nawalan ng pag-asa ang santang ito na darating din ang araw ng kanyang paglaya. Ngayon napakaraming tukso sa paligid na nanghihikayat sa tao na magpakasaya at magpakalulong sa pita ng laman. Tulad ni Santa Maria, sikapin nating ituon ang ating puso kay Hesus at sa Mahal na Birhen at patuloy na layuan ang dating buhay tungo sa bagong buhay ng kalinisan at kalayaan. PANALANGIN PARA SA DUMADANAS NG ANUMANG ADDICTION Diyos ng habag, pinupuri ka namin sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na lumingap sa lahat ng mga lumapit sa kanya. Pagkalooban mo po ng lakas ang iyong mga lingkod na nabubulid sa kadena ng anumang addiction ng katawan at isipan, balutin mo po sila sa iyong pagmamahal, at ibalik sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Panginoon, maawain mong masdan ang lahat ng nawalan ng kalusugan, katinuan, at kalayaan. Ibalik mo po sa kanila ang tiwala sa iyong walang hanggang awa, palakasin sila habang sila’y nagpapagaling, at tulungan silang tumanggi sa mga tukso. Sa mga nagmamahal at nag-aalaga sa kanila, Panginoon, ipagkaloob mo po ang pang-unawa at matiyagang pagmamahal. Hiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen. 2/25/24 Share on FacebookTweet Total Views: 327