PAG-ASA SA KUWARESMA 3: PATRON SAINT NG SUGALAN?
San Camilo de Lellis ANG KANYANG BUHAY Si San Camilo ay mula sa Italya (1550-1614) at nagdusa sa pagkakaroon ng isang magagalitin at pabayang ama. Bata pa lamang si Camilo ay naghanap-buhay na siya bilang isang sundalo (ayon sa ilang kuwento, bilang sundalong-bayaran o mercenary). Tulad ng kanyang ama, maikli ang pasensya niya at madali siyang mayamot. At sa piling ng mga kasamang sundalo, doon niya natutunan ang isang bisyo na nagpahirap sa kanyang buhay – ang pagsusugal. Bukod dito, habambuhay niyang ininda ang isang karamdaman – ang pamamaga ng kanyang mga paa na puno din ng nana dahil sa impeksyon. Ilang beses siyang nagtangka na pumasok sa kumbento ng mga pari subalit ilang beses din tinanggihan dahil sa kanyang sakit, sa init ng ulo, at sa kanyang pagsusugal. Sa tulong ng isang pari, unti-unti niyang napaglabanan ang sugal hanggang iwan na niya ito nang tuluyan. Naganap ito nang maunawaan niyang dapat pagtuunan ng pansin ang mga mas mahahalagang bagay sa buhay at dapat iwaglit ang hindi naman makatutulong sa bandang huli. Dahil sa kanyang karanasan ng pagbo-boluntaryo sa mga ospital, itinatag niya ang religious congregation na tinatawag ngayon “Camillians,” mga pari na ang abito ay may malaking krus na pula sa dibdib tulad ng sagisag ng Red Cross. Ang mga Camillians ay may misyon sa larangan ng pagpapagaling sa mga maysakit. ANG KANYANG ARAL Sinasabing pinakamahirap na addiction ang sugal, dahil ang sugarol ay handang ipagbili pati ang kanyang pamilya, at maging ang kanyang kaluluwa, basta lamang mapagbigyan ang kanyang bisyo. Maraming biglang naghirap at dinala sa lusak ang kanilang pamilya nang dahil sa aliw ng mga sugalan, saklaan at casino. Sa buhay ni San Camilo, makikita natin na kapag isinuko sa Diyos ang bisyo, gagawa ng paraaan ang Espiritu Santo upang ituwid ang maling landas at maglahad ng bagong buhay tungo sa pagbabago, kapayapaan, katiwasayan, at kabanalan. Ipagdasal natin ang mga nagdudusa ng addiction at hilingin sa Diyos ang tagumpay sa kanilang paghilom at pagpapanibago. PANALANGIN PARA SA MGA ADDICT SA SUGAL Diyos ng habag, pinupuri ka namin sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na lumingap sa lahat ng mga lumapit sa kanya. Pagkalooban mo po ng lakas ang iyong mga lingkod na nabubulid sa addiction sa sugal, balutin mo po sila sa iyong pagmamahal, at ibalik sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Tulungan mo rin po ang kanilang mga pamilya na naaapektuha nito. Panginoon, maawain mong masdan ang lahat ng nawalan ng kalusugan, katinuan, at kalayaan. Ibalik mo po sa kanila ang tiwala sa iyong walang hanggang awa, palakasin sila habang sila’y nagpapagaling, at tulungan silang tumanggi sa mga tukso. Sa mga nagmamahal at nag-aalaga sa kanila, Panginoon, ipagkaloob mo po ang pang-unawa at matiyagang pagmamahal. Hiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen. 3/3/24 Share on FacebookTweet Total Views: 499
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed