PASKO NG PAGKABUHAY B
PAANO KUMIKILOS SI KRISTONG MULING NABUHAY
JN 20:1-9
MENSAHE
Panginoong Hesus, katatapos lang naming pagnilayan ang iyong Pagpapakasakit at Kamatayan nitong mga Mahal na Araw, at ngayon nagbubunyi kami sa iyong Muling Pagkabuhay; nagbubulay-bulay sa malalim nitong kahulugan. Tunay bang nakapagbabago ito ng aming buhay? Ano ba ang dulot nito sa aming mga pakikibaka araw-araw? Ang buhay ay magkahalong entablado na may liwanag at anino. Sa kalooban naming naroon ang bakas ng Panginoong Muling Nabuhay gayundin ang bigat ng pagkakasala ni Adan. Kahit pa mamamatay kami, nananalig kami sa iyo, Panginoon, na magsasanggalang at magpupuspos ng biyaya. Tulad ni Adan, laging madadapa dahil sa taglay na pagkabulag sa aming salita at kilos. Subalit sa aming puso, taos kaming nagtitiwala sa iyo, Panginoon, at kumakapit sa pag-asa na lagi kang mahahabag at magbabasbas sa amin. Hindi agad nagaganap ang pagbabago ng tao, kundi sa mahabang paglalakbay sa pananampalataya at pagsunod. Tulad ng mga una mong mga alagad, kami din ay tatayo isang araw, at mabubuwal naman sa susunod; ito ang kalagayan ng buhay.
Sa pamamagitan ng iyong Muling Pagkabuhay, tinitiyak ng Ama na lagi namin siyang kasama. Tulad ng itinuro ng banal na si Juliana ng Norwich, tatlong paraan daw kumikilos ka ngayon sa aming buhay, Panginoong Muling Nabuhay. Una, mula sa langit, pinatatatag mo kami upang makapiling mo balang araw. Ikalawa sa lupa, ginagabayan mo ang aming mga yapak sa bawat araw ng paglalakbay. Ikatlo, sa aming puso, nangungusap ka upang kami ay ituwid at iligtas. Ito ang nagbibigay ng ligaya sa amin; dahil ikaw ay Muling Nabuhay, lagi ka namin ngayong kasama at kapiling. Magkamali man, mahulog man, hindi na kami papayag na panghinaan ng loob, dahil sa langit, sa lupa at sa kaibuturan ng aming puso, nababanaagan namin ang iyong walang hanggang presensya. Amen.
MAGNILAY
Balikan ang mga sandaling maaliwalas ang buhay mo, at gayundin ang mga panahong madilim at mapait ito. Nakakabahala ang paghahalo ng mga ito, subalit dito natin makikita ang kapangyarihan ng Banal na Pangangalaga ng Diyos. Anuman ang pagsubok na hinaharap, magtiwala na nariyan ang Diyos sa piling mo. Tawagin lagi ang Panginoong Muling Nabuhay, at hingin na madama ang kanyang presensya at ang mga kaloob niyang pag-asa at tiwala. Nabuhay siyang muli! – Aleluya!