VISITA IGLESIA: PITONG SIMBAHAN PRAYERS
MAIKLING PALIWANAG
ANG VISITA IGLESIA AY GINAGAWA TUWING HUWEBES SANTO, AT HANGGANG MAAARI, AY KAPAG TAPOS NA ANG MISA NG HULING HAPUNAN SA GABI. SA PAGDALAW SA PITO O HIGIT PANG MGA SIMBAHAN, MAHIGPIT NA IMINUMUNGKAHING MAGDASAL NANG TAHIMIK AT TAIMTIM GAMIT ANG SUMUSUNOD NA GABAY, SA HARAP NG BLESSED SACRAMENT NA NASA “ALTAR OF REPOSE” MULA PAGKATAPOS NG MISA HANGGANG SA HATINGGABI NG HUWEBES.
ANG DAAN NG KRUS O STATIONS OF THE CROSS AY MAS MABUTING DASALIN SA BIYERNES SANTO.
MAY MGA TAO DIN NA MAAGA PA NANG HUWEBES SANTO AY DUMADALAW NA SA MGA SIMBAHAN. MAAARING GAMITING GABAY ANG MGA PANALANGING ITO SA BAWAT SIMBAHAN.
UNANG SIMBAHAN
PASIMULA
Namumuno:
Sa ngalan ng Ama at ng anak at ng Espiritu Santo
R. Amen.
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na handog ng kanyang sarili sa Eukaristiya. Sa banal na pagatatanod na ito isama natin sa ating panalangin ang lahat ng mga pari sa buong mundo upang sila ay mapuspos ng tunay na pagmamahal sa Eukaristiya na ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay. Ipanalangin din natin ang lahat ng tao na nanlalamig na sa awa ng Diyos, upang sa Banal na Sakramento sila ay makasumpong ng init ng pag-ibig at lakas ng pananampalataya. Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na Katawan ni Hesus sa Eukaristiya, sa anyong tinapay. Marami pa rin ang ayaw kumilala sa kapangyarihan ng Krus ni Kristo at ng Mabuting Balita na nagliligtas sa ating lahat. Hilingin natin kay Hesus na ipagkaloob sa sandaigdigan ang tunay na kapayapaan at kasaganaan na nagmumula lamang sa kanya.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kav San Juan (17:9-13)
R. Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, 9 “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila’y maging isa. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak,[a] upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako’y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-kristo
Sandaling pagninilay. Iugnay ang mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa iyong mga natatanging intensyon sa Visita Iglesyang ito…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
MGA HIBIK SA KABANAL-BANALANG MANUNUBOS
Lahat:
Kaluluwa ni Kristo, pakabanalin mo ako. Katawan ni Kristo, iligtas mo ako. Dugo ni Kristo, tigmakin mo ako. Tubig mula sa tagiliran ni Kristo, hugasan mo ako. Pagpapakasakit ni Kristo, patatagin mo ako. Butihing Hesus dinggin mo ako. Sa loob ng sugat mo ako’y itago mo. Huwag mong ipahintulot na mawalay ako sa iyo. Sa nagpapahamak na kaaway, ako’y ipagsanggalang mo. Sa sandali ng pagpanaw, ako’y tawagin mo. At iyong ipag- utos na lumapit ako sa iyo. Upang kaisa ng mga banal ako’y makapagpuri sa iyo sa kalangitan magpasawalang hanggan. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Panginoon namin at Diyos, sa sakramentong ito dumudulog kami sa presensya ni Hesukristong Anak mo, ipinanganak ng Mahal na Birhen at ipinako para sa aming kaligtasan. Marapatin mong kami na nagpapahayag ng pananampalataya sa bukal ng awa at pag-ibig ay mapakinabang sa tubig ng buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKALAWANG SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nakaluhod upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi-at dalisay na handog ng kanyang sarili sa Eukaristiya. Mula pa noong una ipinakita na ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapadala ng “manna,” ang tinapay na galing sa langit para sa kanyang piniling bayan. Ang pagkain ay mahalagang bahagi ng buhay ng tao subalit ang tao ay hindi lamang binubuo ng katawan kundi may espiritung kailangang busugin ng presensya ng Diyos na lumikha sa kanya. Sinasabi ng Panginoong Hesus na siya ang Pagkaing Nagmula sa Langit, ang tunay na nakabubusog ng bawat puso. Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na Katawan ni Hesus sa anyong tinapay.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San ]uan (6:51-58)
R. Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus sa mga tao: 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.” 52 Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?” 53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-kristo.
Manahimik at sandaling magnilay. Iugnay ang mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa mga minamahal sa buhay, lalo na sa mga umaasa sa iyo…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN SA PAGIGING BUKAS PALAD
Lahat:
Panginoon turuan mo akong maging bukas palad. Tururan mo akong maglingkod sa iyo, na magbigay nang ayon sa nararapat na walang hinihintay mula sa iyo; na makibakang di inaalintana, mga hirap na dinaranas; sa twina’y magsumikap na hindi humahanap ng kapalit na kaginhawahan; na di naghihintay kundi ang aking mabatid, na ang loob mo’y sy’ang sinusundan. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Panginoon namin at Diyos, ipinagkaloob mo sa amin ang Tinapay na bumaba sa langit. Sa pamamagitan ng pagkaing ito, mapalakas nawa kami upang mamuhay sang-ayon sa iyong buhay at halimbawa, at sa katapusan ay mapakinabang sa iyong kaluwalhatian sa huling araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKATLONG SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na handog ng kanyang sarili sa Eukaristiya. Ang Diyos ay Pag-ibig at lahat ng nais sumunod sa kanya ay dapat umibig nang wagas at dalisay. Ang sangtinakpan ay nilikha sa pamamagitan ng pag-ibig, sinagip dahil sa pag-ibig at muling babaguhin sang-ayon na rin sa pag-ibig ng Diyos. Ang gabing ito ay patunay sa atin kung gaano kalaki ang malasakit sa atin ni Hesus, na ninais niyang manatii sa anyo ng tinapay upang maranasan ng bawat salinlahi ang kalayaang nagmumula sa kanyang puso. Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na Katawan ni Hesus sa anyong tinapay. Hilingin natin kay Hesus na ipagkaloob sa sandaigdigan ang tunay na kapayapaan at kasaganaan na nagmumula lamang sa kanya.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (15:9-17)
R. Papuri sa iyo Panginoon.
Noong panahon iyon, sinabi Hesus sa kanyang mga alagad, 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo’y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesu-kristo
Sandaling pagninilay. Iugnay ang mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa Simbahan, sa Santo Papa, at lahat ng mga pari, madre relihyoso at laykong lingkod…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA MGA PARI
Lahat:
O Hesus ko, nananalangin ako sa iyo para sa mga matapat at maalab mong mga pari, mga lilo at nanlalamig mong mga pari; ang iyong mga paring nagpapagal dito at sa ibat-ibang bansa lalo na yaong mga nasa kadulu-duluhang bahagi ng daigdig; ang mga pari mong nahaharap sa matinding tukso at pagsubok; ang mga nagungulila at nag-iisa mong pari, ang iyong mga bata at maysakit na pari; ang mga kaluluwa sa purgatoryo ng iyong mga pari. Higit sa lahat ipinapanalangin ko sa iyo ang mga paring mahal sa akin; ang paring nagbinyag sa akin;ang mga paring nagpakumpisal sa akin; ang mga paring nangunguna sa Misa namin at nagbibigay sa akin ng iyong Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon; ang mga paring nagturo at gumabay sa akin; at ang lahat ng paring pinagkakautangan ko ng loob. O Hesus alalahanin at ilapit mo silang lahat sa iyong mahal na puso at lagi mo nawa silang pagpalain ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Panginoon namin at Diyos, mapuspos nawa ang aming mga puso ng lakas sa pamamagitan ng Sakramentong ito ng bagong buhay. Gawin mo kaming masigasig sa pagpapalaganap ng iyong kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKAAPAT NA SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod tayo upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na handog ng kanyang sarili sa Eukaristiya. Sa Eukaristiya ating natatagpuan ang susi ng ating pagkakaisa. Kung papaanong si Hesus ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, tayo ay magka-kaugnay sa iisang panananampalatya at sa iisang patutunguhan. Sa mga pagkakataong pakiramdam natin ay nag-iisa tayo at walang karamay, alalahanin natin at masdan natin ang himala sa ating piling, ang Diyos na hindi lumilisan sa atin, si Hesus sa Banal na Sakramento.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (15:1-4)
R. Papuri sa iyo,Panginoon.
Sinabi ni Hesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. 3 Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesu-kristo
Tahimik na sandaling pagninilay. Iugnay ang sariling mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa bayan at sa lahat ng naglilingkod sa lipunan…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA ESPIRITUWAL NA PAKIKINABANG
Lahat:
Pinakamamahal na Hesus, buong pananalig kong sinasampalatayanan na ikaw ay nariyan sa Kabanal-banalang Sakramento. Iniibig kita nang higit sa lahat ng bagay, at ninanais kong tanggapin ka sa aking kaluluwa. Dahil hindi kita matanggap sa sandaling ito sa Banal na Komunyon, sa halip ay pumasok ka sa aking puso. Niyayakap kita na parang ikaw ay tunay na nariyan na, at iniuugnay ko ang aking buong sarili sa iyo; huwag mo kailanman itulot na mawalay pa ako sa iyo. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Aming Ama itinalaga mo si Hesukristo bilang Kataas-taasang Pari sa ikaluluwalahati mo at ng aming kaligtasan. Nawa’y ang bayang ginawa niyang karapat-dapat sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay makasalo sa kapangyarihan ng kanyang krus at muling pagkabuhay sa pagdiriwang ng Banal na Misa na siyang kanyang huling hapunan. Hiling namin ito sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristong Anak mo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo iisang Diyos magpasawalang hanggan. Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKALIMANG SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod tayo upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na Presensya niya sa Eukaristiya. Sa panahong puno ng alitan at di pagkakasundo hatid ng Panginoon ang kakaibang uri ng kapayapaan, ang kapayaang kailanman ay hindi maibibigay ng mundo. Magnilay tayo sa harap ng Prinsipe ng Kapayapaan upang ituro sa atin ang landas ng pakikipagkasundo. Panibaguhin nawa tayo ng ating pananalig sa hapag ng bagong pag-asa, kung saan si Kristo ang siyang hain at siya ring naghahain sa ikaliligtas ng sangkatauhan.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (14:27-31)
R. Papuri sa iyo, Panginoon.
Sinabi ni Hesus 27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit ako’y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesu-kristo
Tahimik na sandaling pagninilay. Iugnay ang mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa mga kapayapaan ng bawat puso, pamilya, pamayanan, at bayan…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN KAY HESU-KRISTONG NASA SA KRUS
Lahat:
Kaybuti at pinakamamahal na Hesus, nakaluhod ako sa iyong paanan, humihiling na mataimtim na iukit mo sa aking puso ang isang malalim at buhay na pananampalatya pag-asa at pag-ibig, na may dalisay na pagbabalik loob para sa aking mga pagkakasala, at matibay na pagnanais na gumawa ng pagbabayad puri. Habang aking pinagninilayan ang iyong limang sugat at pinagmumuni-muni ang mga ito ng may habag at hinagpis, naalala ko, butihing Hesus, ang matagal nang sinabi ni Propeta David ukol sa iyo: “Binutasan nila ang aking mga kamay at paa. Nabibilang na nila ang aking mga buto!”
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Ama naming makapangyarihan, ginanap mo ang gawain ng kaligtasan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristong iyong Anak. Nawa’y kaming matapat na nagpapahayag ng kanyang kamatayan at Pagkabuhay sa Sakramentong ito ay maranasan ang paglago sa kaligtasan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKAANIM NA SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod tayo upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay niyang Presensya sa Eukaristiya.Hindi tayo nilisan ng Panginoon; patuloy niyang ginagabayan ang kanyang simbahan sa liwanag ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, ang mga sakramento ay nagkakaroon ng bisa at lakas. Tumawag tayo kay Kristo, ang Daan, Katotohanan at Buhay ngayon at magpakailanman.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (14:15-21)
R. Papuri sa iyo, Panginoon.
Sinabi ni Hesus 15 “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin[b] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo’y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya’y nasa inyo at siya’y mananatili[c] sa inyo. 18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako’y nasa Ama, at kayo nama’y nasa akin at ako’y nasa inyo. 21 “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesu-kristo
Tahimik na sandaling pagninilay. Iugnay ang mga panalangin at kahilingan sa Panginoon para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ng sarili at ng buong mundo at sa patuloy na pagbabago tungo sa pagiging mabuting Katolikong Kristiyano…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN NG PAGSAMBA
Lahat:
O Hesus, ikaw ang Daan na dapat kong sundan, ang ganap na huwaran na nais kong tularan. Sa aking pagharap sa huling paghuhukom, nais kong matagpuang kawangis mo. O huwaran ng mabathalang kababaang loob at pagsunod, marapatin mo akong matulad sa iyo; O ganap na halimbawa ng pagpapakasakit at kalinisan, marapatin mo akong matulad sa lyo; O Hesus payak at matiyaga, marapatin mo akong matulad sa iyo; O Dakilang halimbawa ng pag-ibig at malinis na hangarin, marapatin mo akong matulad sa iyo. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat:
Panginoong Hesukristo, minarapat mong ikaw na kapiling namin sa iyong katawan at dugo ay aming sambahin. Maihain nawa namin ang pag-ibig sa Ama sa langit. Makapag-alay nawa kami ng ganap na paglilingkod sa aming mga kapatid. Ikaw na nabubuhay at naghaharing kasama ng Ama at ng Espiritu Santo iisang Diyos magpakailanman. Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. (maaaring magdasal ng Rosaryo habang patungo sa susunod na simbahan)
IKAPITONG SIMBAHAN
Namumuno:
Mga kapatid, sa sandaling ito tayo ay nagtatanod tayo upang makapiling si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na handog ng kanyang sarili sa Eukaristiya. Tayo’y mga anak ng Muling Pagkabuhay dahil sa Muling Pagkabuhay ng Anak ng Diyos na si Hesus. Hindi sa kamatayan at kasalanan natatapos ang lahat, kundi sa tagumpay na nakamit ni Kristo. Sa ating paglalakbay sa laban ng buhay, mabuksan nawa ang ating mga mata sa presensya ng Diyos na patuloy na nagbibigay ng lakas ng loob sa ating lahat. Bilang mga anak ng Diyos Ama, nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na Katawan ni Hesus sa anyong tinapay.
PAGBASA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San juan (6:51-58)
R. Papuri sa iyo, Panginoon.
51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.” 52 Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?” 53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
R. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesu-kristo
Tahimik na sandaling pagninilay. Iugnay ang mga panalangin sa Panginoon para sa pagpapasalamat sa lahat niyang pagmamahal, pagpapatnubay at pagpapala sa ating buhay…
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
PANALANGIN SA PAGKILALA AT PAGTANGGAP SA PANGINOON
Lahat:
Aking buong pusong tinatanggap ang Tunay na Katawan na isinilang ng Birheng Maria, ang Katawang nagpakasakit at naihain sa krus para sa sangkatauhan; ang Katawang nasugatan sa tagiliran at binukalan ng dugo at tubig. Ito nawa’y maging pagkaing nagbibigay-lakas sa oras ng kamatayan. O katamis-tamisan at kabanal-banalang Hesus, aming hari, anak ni Maria, maawa ka sa amin; O huwaran ng mabathalang kababaang loob at pagsunod marapatin mo akong matulad sa iyo; O ganap na halimbawa ng pagpapakasakit at kalinisan, marapatin mo akong matulad sa iyo. O Hesus payak at matiyaga, marapatin mo akong matulad sa iyo. O Dakilang halimbawa ng pag-ibig at malinis na hangarin, marapatin mo akong matulad sa iyo. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Panginoon namin at Diyos, marapatin mo nawa kami na laging makapagbigay ng parangal sa pamamalagi ng Kordero ng Diyos na inihain para sa aming kaligtasan. Pagkalooban nawa kami ng pitak ng kanyang luwalhati dahilan sa aming pananampalataya, siya na nabubuhay at naghahari ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.
*Tandaan na kapag inabutan na ng hatinggabi at tumuntong na ang Biyernes Santo, ito ay araw ng pag-aayuno at pangilin (fasting and abstinence); kailangang magbawas ng pagkain at luho ng katawan at umiwas sa pagkain ng karne o ng mga mararangyang pagkain. Huwag sayangin ang biyaya ng Visita Iglesia sa pagpapasarap sa mga kainan; sa halip ay pahalagahan ang sakripisyong nasimulan na. Nandoon ang pagpapala at binhi ng pagbabago sa tulong ng Espiritu Santo.
Adapted, re-arranged and edited from:
http://kuwaresma.blogspot.com/2016/02/mga-panalangin-sa-visita-iglesia.html
photo from Munger Place