ANG FLORES DE MAYO AT ANG BUNGANG-ARAW
Pagtungtong ng buwan ng Mayo, bilang mga bata noon, agad naming naiisip na manguha na ng mga bulaklak para sa araw-araw na pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birheng Maria sa aming parokya sa Bulakan. Dahil marami pang halaman sa mga bakuran at maging sa mga bukid, madaling makahanap ng kahit na pinaka-simpleng mga bulaklak – santan, gumamela, sampaguita, ilang-ilang, rosal, kalachuchi, at iba pa. Mayroon ding sunflower, rosas, yellowbells at orchids na alaga ng mga mayayamang pamilya sa hardin nila. Hindi pa masyadong uso noon na bibili ang mga tao ng bulaklak na iaalay. Sapat na ang mamitas ng mga ito bago magtungo sa simbahan. Bumibili ng bulaklak iyong mga pamilya o organisasyong nakatoka sa pag-aalay ng mga dalaga at binata ng baryo na magkatambal paglapit sa altar. Ganito ang nagaganap sa Flores de Mayo.
Ang Flores de Mayo ay isang buwan ng pagpupugay sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng ating Panginoong Hesukristo at Ina nating lahat sa pananampalataya. Tiyak na dala ang debosyong ito sa ating bansa ng mga misyonerong Kastila. Sinasabi ding nasimulan ito matapos ang proklamasyon (1854) ng dogma o banal na katuruan ukol sa Inmaculada Concepcion, o ang Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria.
Isang paring Bulakenyo, si Padre Mariano Sevilla ang sinasabing nagsulat/ nagsalin ng aklat na “Flores de Maria” o ang “Mariquit na Bulaklak na sa Pagni-nilay-nilay sa Buong Buwan nang Mayo ay inihahandog nang mga Deboto kay Maria Santisima.” Kinikilala siya ngayon bilang Ama ng Flores de Mayo sa Pilipinas.
Sa aming parokya noon, matapos ang Komunyon ng Misa, binabasa ang panimula ng “dalit” kay Maria at pagkatapos ay inaawit ang dalit. Isa-isa o magkapares na lumalapit sa imahen ng Mahal na Birhen ang mga tao na may dalang iaalay na mga bulaklak. Mananatili sa palibot ng imahen ang mga nag-alay ng bulaklak.
Matapos ang pag-aalay ng lahat, lalapit ang pari upang insensuhan ang imahen habang inaawit ang Salve Regina sa Latin kasunod ng panalanging “Ora pro nobis Sancta Dei Genitrix” at ng “Oremus” na pangungunahan ng pari at sasagot naman ang mga tao na noon ay saulo ang tugon sa wikang Latin din.
Igagawad ang Huling Pagbabasbas ng Misa at ang Paghayo ng mga tao habang inaawit naman ang “Paalam Inang Birhen” o “Paalam, O Birheng Mahal.” Wiwisikan ng banal na tubig o holy water ng pari ang mga taong nag-alay at maging ang mga nakiisa sa Misa o debosyon.
Noong panahong iyon, tadtad ng bulaklak ang altar ng Mahal na Birhen; hindi uso ang kumukuha ng bulaklak sa simbahan upang iuwi sa bahay tulad ng ginagawa ng iba ngayon. Malinaw sa lahat na tayo ang dapat mag-alay ng bulaklak sa Diyos at sa Mahal na Birhen at hindi sila para sa atin.
Ang pag-aalay ng bulaklak sa Flores de Mayo ay tanda pagmamahal, pagsuyo, paghingi ng tawad, at pagpapasalamat. Sa mga bisita o kapilya na walang Misa, ang ginagawa ay pagdarasal ng Rosaryo, kaunting katesismo, at pag-aalay ng bulaklak.
Pagkatapos ng Misa at dahil gumagabi na, karaniwang bubuhos ang malakas na ulan at tuwang-tuwa ang mga tao dahil naputol na din ang alinsangan ng tag-init. Ang unang ulan sa Mayo ay sinasahod at ipinapaligo dahil ito daw ay nakaka-alis ng bungang-araw (may ganito pa ba ngayon?). Maraming bata din ang lumalabas upang diretsong maligo sa ulan; ang iba ay nakatapat sa mga alulod ng bahay.
ourparishpriest 2023