Home » Blog » BINATILYONG ALAGAD NG DIVINE MERCY

BINATILYONG ALAGAD NG DIVINE MERCY

 KILALANIN ANG “YOUNG APOSTLE OF MERCY”

 

(from FB page: “Praying with Carson”)

Namumuno siya ng Divine Mercy Chaplet mula sa kanilang bahay sa America.

 

Karaniwan kasama kasama niya ang kanyang ina at minsan ang kanyang makulit na kapatid na si Charlie. Ang tatay niya ang nag-aasikaso ng sounds ng kanilang video.

 

Bigla siyang sumikat bilang alagad ng Divine Mercy sa Facebook at ngayon maraming sumasabay o sumusunod sa kanyang pagdarasal.

 

Binabasa niya at ipagdarasal ang mga kahilingan ng mga viewers niya.

 

Siya si Carson Kissel, isang binatilyo, 13 taong gulang na deboto ng Divine Mercy at kaibigan ng mga humihingi ng Awa ng Diyos.

 

Subalit may kakaiba kay Carson. Ipinanganak siyang may karamdamang tinaguriang EB (hindi Eat Bulaga!) kundi Epidermolyis Bullosa, isang kakaibang sakit sa balat.

 

Ang balat ni Carson ay parang papel na madaling mapunit. Konting bunggo o gasgas lamang ay napupunit, nagsusugat o nagpapaltos ang kanyang balat.

 

Mula pagkabata ay nakabenda halos ang buong katawan niya para pangalagaan ang kanyang balat.

 

Masakit ito minsan lalo na kapag kumakati na hindi naman puwedeng kamutin; lalo na kapag maliligo – tatanggalin muna ang benda at pagkatapos matiyagang ibebenda muli ang kanyang katawan.

 

Si Carson ang panganay na anak, kasunod si Charlie, at ang bunsong si Kolbe na may EB din.

 

Sa gitna ng kanyang karamdaman, nakilala niya ang Divine Mercy; ang pamilya niya ay malapit sa Diyos at sa kanilang parokya.

 

Naging ugali niya ang araw-araw na pagdarasal ng Divine Mercy Chaplet at naisipan niya minsan na ilagay ito “live” sa Facebook.

 

Natuklasan siya ng maraming tao at sikat na siya ngayon sa USA, New Zealand at dito sa atin sa Pilipinas.

 

Makikita sa bawat video kung gaano nakakatulong ang Divine Mercy sa pagpasan ni Carson ng kanyang krus sa buhay. Maligaya siya at pinipilit magpaligaya ng iba; mabait at maalalahanin sa kapwa; nagbibigay inspirasyon sa mga taong may pinagdadaanang pagsubok.

 

Araw-araw ay nakasandig si Carson sa Awa ng Diyos at ito ang nagbibigay kahulugan sa kanyang buhay.

 

Ito rin ang nag-aakay sa mag tagapanood niya na isuko sa kamay ng Maawaing Panginoong Hesus ang lahat ng kanilang mga pinagdadaanan.

 

Salamat, Carson, dahil isa kang kaibigan ng Divine Mercy at naming humihingi din ng Mercy of God sa aming buhay. Salamat din sa mabubuting magulang niya na matapat na nag-aakay sa kanilang mga anak tungo sa Panginoon.

 

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” – Mateo 11: 28

 

(paki-share sa kaibigan; dalawin din sa FB ang page na “Praying with Carson” at mabiyayaan ng panalangin kasama ni Carson.)