Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY B

IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY B

NAGBABALIK ANG PANANAMPALATAYA

JN 20: 19-31

MENSAHE

Sa pagkabata pa lang, nanlamig na si Tammy sa pananampalataya at lumaking walang pinanghahawakan na paniniwala o relihyon. Noong naging isa na siyang propesyunal, asawa, at ina, bigla na lamang siyang dinapuan ng agresibo at nakamamatay na kanser, na sabi ng doktor ay imposibleng magamot. Isang mabuting kaibigain ang minsang dumalaw at nagbigay kay Tammy ng isang Rosaryo, na hindi niya alam gamitin. Binalik-balikan siya ng kaibigang ito upang turuan at sabayan sa pagdarasal ng Rosaryo. Dito nagsimula ang pagsibok ng pananampalataya sa puso ni Tammy, hanggang isang araw, naglaho na lamang sukat ang kanyang kanser. Ngayon, buong puso niyang ibinabahagi ang kuwento ng kanyang natagpuang pananampalataya, ang himalang naganap sa kanya, at ang kanyang landas bilang isang bagong kasapi ng simbahang Katoliko.

Tulad ng marami ngayon, si Tammy ay isang modernong apostol Tomas, na nagduda sa kanyang pananampalataya. Marami ngayon ang walang isinasabuhay na relihyon; marami ang tumalikod sa dati nilang pananampalataya; marami din ang tumigil nang manalig dahil sa mapait na karanasan ng buhay. Sa mga ganitong tao, inaabot ng Panginoong Hesukristo ang kanyang kamay habang pumapasok siya sa kanilang buhay sa pamamagitan ng kanyang Salita, ng mga sakramento, o ng mga karanasan ng paghilom, pagbabago, at pagkalugod. At minsan naman, tulad sa kaibigan ni Tammy, ginagamit niya ang ibang tao upang maghatid ng pag-asa at pananampalataya sa mga nanlalamig nang mga puso. Si Tammy ay sikat na podcaster at asawa ng bantog na manunulat at psychologist na si Jordan Peterson.

MAGNILAY

Dama mo bang nayayanig na ang iyong pananampalataya? Tumawag lang sa Panginoon at magtiwala; hindi ka bibiguin ni Hesus. May kilala ka bang tao na ang pananalig ay nanlamig, nagkalamat, o tuluyang nawala? Baka ikaw ang nais ng Panginoon na maging kasangkapan ng pagmamahal at kapayapaan sa pamamagitan ng iyong pagdalaw, pagbati, o panalangin para sa kanya o kasabay niya. Malay natin, panahon na para isugo tayo ng Panginoong Hesukristo bilang tagapagdala ng mensahe ng kanyang Muling Pagkabuhay!

Ngayong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, paki-panood sa Youtube ang mga nakaka-inspire na mga artistang ito na nagkuwento ng ilang aspekto ng kanilang buhay-Katoliko, na bihira na nating marinig ngayon dahil panay mga born-again at ibang Christian artists ang nagbabahagi ng kanilang pananampalataya.

Ms. Nova Villa:

Mr. Joey de Leon sa kanyang debosyon kay St. Joseph (mula 5:58 onwards)