SAINTS OF MAY: SAN JOSE (MANGGAGAWA)

MAYO 1 KUWENTO NG BUHAY Ang buwan ng Mayo ay tradisyunal na panahong inilalaan sa paggunita sa Mahal na Birheng Maria. Simula sa araw na ito, maraming simbahan, o kapilya ang magsasagawa na ng Flores de Mayo. Ang pagdiriwang na ito ay kinatatampukan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen, ng pagdarasal ng Santo Rosaryo, at ng pag-awit ng mga dalit kay Maria. Bukod dito, laganap sa maraming mga bansa na ang unang araw ng Mayo ay matagal nang ipinagdiriwang upang parangalan ang mga taong nagtatrabaho sa bukid, pagawaan, opisina at iba pang mga lugar ng paghahanapbuhay. Noong 1955 ay pinagtibay ni Papa Pio XII na ang unang araw ng Mayo ay magiging pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose, manggagawa. Nasa puso ng Santo Papa na makakatulong ito upang mabigyang-pansin ang kapakanan ng mga manggagawa at gayundin ay mabigyan ng sangkap na espiritwal ang mga kilusan ng mga manggagawa. Batid ng Santo Papa na madaling mapagsamantalahan ang mapusok na damdamin ng mga manggagawa upang pasukan ng iba’t ibang ideya ang kanilang pakikibaka. Minsan ang mga kaisipang ito ay lihis na sa aral-Kristiyano at nahuhulog sa mga doktrina ng sosyalismo o komunismo. Dapat gabayan ng Simbahan ang mga manggagawang Kristiyano upang hindi maligaw ng landas at hindi makalimot sa kanilang pananampalataya. Kailangan ding maipadama ng Simbahan ang kanyang paglingap at pakikilakbay sa mga ordinaryong tao na nagpapagal upang buhayin ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng marangal na paraan sa panahong ito. Tunay na angkop na si San Jose, ang ama-amahan ng ating Panginoong Jesucristo, ang siyang maging patron ng araw na ito para sa ating mga Katoliko. Mula sa Biblia ay nababatid nating si San Jose ay isang manggagawa, isang karpintero, at maaaring ito rin ang unang hanapbuhay na itinuro at ipinamana niya sa ating Panginoon. Bilang patron ng mga manggagawa, magandang sariwain kung paano naging tapat sa gawain si San Jose. Dahil dito siya ay isang maningning na huwaran para sa mga manggagawa. Hindi niya ikinahiya ang kanyang gawain kundi lalo niyang pinatingkad ang kanyang kaalaman at talino upang maging mahusay siya sa kanyang larangan ng hanapbuhay. Si San Jose rin ay magandang halimbawa ng pagbibigay ng dangal at halaga sa gawain ng tao sa pamamagitan ng pagbubukas ng puso sa diwang Kristiyano upang maging landas ng kabanalan ang gawain at hindi lamang pinagmumulan ng pagkakakitaan o tubo. Sa tulong ni San Jose makikita natin na posible palang ang gawain natin ay maging tulay ng kabanalan, isang lugar upang mapalalim ang relasyon sa Diyos at sa kapwa tao. Si San Jose ay pinili ng ilang grupo ng mga manggagawa upang kanilang natatanging santong patron. Narito ang ilang halimbawa: karpintero o anluwagi, mga manggagawa ng kabinet, mga inhinyero, mga plaster, mga tagaputol ng puno at mga kahoy, mga craftsmen o yaong may natatanging talino sa paggawa mula sa kahoy o metal, at pati na rin ang mga sundalo ng Canadian Army. HAMON SA BUHAY Bawat hanapbuhay na tapat at marangal, kahit simple lamang, ay may natatanggap na pagpapala mula sa Diyos. Huwag nating ikahiya ang anumang mabuting trabaho; sa halip, ialay ito sa Diyos upang maging daluyan ng biyaya para sa ating mga sarili at sa ating mga mahal sa buhay. KATAGA NG BUHAY Mt 13:54-55 Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina…?” From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 723