Home » Blog » SAINTS OF APRIL: San Pedro Calungsod

SAINTS OF APRIL: San Pedro Calungsod

ABRIL 2

(Martir)

A. KUWENTO NG BUHAY

Sariwa pa sa puso at isip ng bawat Pilipino ang naganap nitong nakaraang 2012 lamang. Noong Oktubre 21 nang taong iyon, nagkaroon tayo ng ikalawang Pilipinong santo na kinilala ng buong pandaigdigang simbahan. Ipinahayag ni Pope Benedict XVI bilang isang ganap na santo si San Pedro Calungsod, isang kabataang nagmula sa Kabisayaan.

Mula sa mga kababayan natin sa loob ng ating bansa at sa mga Pilipino na nasa ibang bansa, sabay-sabay na nagsaya at nagbunyi ang ating lahi. Matagal-tagal na rin kasi nang magkaroon tayo ng ating unang santo, sa katauhan ni San Lorenzo Ruiz, isang Tsinoy mula naman sa Luzon, sa Kamaynilaan.

Ngayon halos lahat ng Pilipino ay narinig na ang pangalang Pedro Calungsod at Katoliko man o hindi ay puno ng angkop na pagmamalaki at pasasalamat sa biyayang ating tinanggap. Balikan natin ang buhay ng ating bayani ng pananampalataya, isang modelo ng mga kabataan.

Si San Pedro ay hinihinalang mula sa Cebu at ipinanganak noong 1654. Nang malapit na siyang hirangin bilang ganap na santo, may mga ibang lugar sa Visayas na nagtangkang taluntunin ang pinagmulan ni San Pedro sa kanilang bayan. Ilan lamang sa mga umaangkin din bilang tubong-bayan ni Pedro ay ang Bohol, Samar, at Iloilo.

Malaking impluwensya sa buhay ni Pedro ang presensya ng mga paring Heswita sa lugar kung saan siya nagkamalay at lumaki. Bata pa lamang siya ay bahagi na siya ng Simbahan bilang isang aktibong volunteer. Maaaring naging estudyante siya sa ilalim ng pagtuturo ng mga Heswita. Nakakitaan ng talento si Pedro kaya siya ay sinanay para balang araw ay maging bahagi ng misyon ng mga paring Heswita. Dahil dito, tiyak na naging bihasa si Pedro sa larangan ng pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte, at pagkakarpintero—pawang mga skills na kailangan ng isang misyonero.

Noong siya ay labing-apat na taong gulang, umalis siya ng Visaya para samahan ang mga Heswitang pari sa kanilang pakay na misyon sa Ladrones Islands (kasalukuyang Guam). Ang pinuno ng delegasyong ito ay si Padre Diego Luis de San Vitores, na naunang naging santo kay Pedro nang ilang taon. Dahil din sa pagsasaliksik sa buhay ni San Diego Luis de San Vitores, unang napansin ang presensya ni Pedro sa buhay ng pari.

Walang sinayang na panahon ang mga misyonero sa Guam at tinangka nilang ipahayag nang matapat ang Mabuting Balita. Si Pedro ay laging nasa tabi ng paring si San Diego. Nagsilbi siya bilang sakristan at katekista. Tumulong din siya sa paghahanda at sa pagdiriwang ng binyag ng mga katutubong nahikayat sa pananampalataya.

Nang dumating ang panahon na papatayin ang paring si San Diego, dahil sa poot ng isang lider ng mga katutubo, hindi iniwan ni Pedro ang pari. Ipinagtanggol niya ito subalit dahil wala silang armas o sandata, namatay sa sibat sa dibdib at sa paghataw ng gulok sa ulo ang kabataang si Pedro. Binigyan ni San Diego ng absolusyon si Pedro bago rin tuluyang namatay ang pari sa kamay ng mga taong pumaslang sa kanyang tapat na katuwang.

Hinubaran ang mga katawan ng dalawang misyonero at tinalian ang kanilang mga paa ng mabibigat na bato bago tuluyang itinapon sa gitna ng dagat. Ganito ang tindi ng galit ng mga taong lumaban sa mga misyonero at sa kanilang ipinangangaral na Diyos, kaya natitiyak ang ating Simbahan na namatay silang dalawa sa pagtatanggol sa pananampalataya.

Naganap ang pag-aalay ng buhay ni San Pedro Calungsod noong Abril 2, 1672.

Mabuhay ang ikalawang Pilipinong santo ng buong Simbahan! Mabuhay ka, San Pedro Calungsod!

Ikatlong Pilipinong Santo

Kung tutuusin ay may mga Pilipino pa na nasa hanay ng mga kandidatong inihahanda sa pormal na paghirang bilang Blessed at Santo. Sila ay mga lalaki at babaeng “Pinoy na Pinoy” sa puso at diwa na namuhay at namatay din nang may tunay na kabanalang ipinamalas.

Ang nasa hanay upang maging ikatlong Pilipinong santo ay ang paring si Fr. Jose Maria de Manila. Isa siyang Kastilang Pilipino na ipinanganak sa Maynila noong 1880. Ang kanyang amang si Don Eugenio Sanz-Orozco ang huling Espanyol na alkalde ng Maynila. Nag-aral siya sa Ateneo, sa Colegio de San Juan de Letran, at Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

Nagpunta siya sa Spain upang mag-aral at doon ay nagpasyang pumasok sa seminaryo ng mga paring Franciscan Capuchin. Naging pari siya noong 1910. Laging nasa puso niya ang pagbabalik sa Pilipinas subalit hindi na ito naganap pa.

Nang magkaroon ng digmaang sibil sa Spain, naging matindi ang galit ng ilang mga tao laban sa Simbahan. Maraming mga pari at madre ang nagbuwis ng buhay. Kabilang dito si Fr. Jose Maria de Manila na pinatay noong 1936. Noong 2013, hinirang siyang Beato Jose Maria de Manila kasama ng 521 pang mga martir ng Spain.

Nawa’y maikli na lang ang ating paghihintay na maging ganap na santo siya at ikatlong bituin ng ating pananampalataya sa langit.

B. HAMON SA BUHAY

Tila ang sarap ng pakiramdam na malamang may mga Pinoy na sa hanay ng mga beato at santo. Isang patunay ito na ang pagpapahalaga sa ating pananampalataya ay kapantay ng kagitingan ng mga Katoliko mula sa ibang lahi. Tayo rin ay may malaking puwang sa puso ng ating Simbahan bilang mga Pilipino. Ipagmalaki natin at mahalin ang ating Simbahan at ang ating bayan.

K. KATAGA NG BUHAY

Jn 15:20

Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: “Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.” Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo.

From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from www.synod.va