MAYO O HUNYO (depende sa pagdiriwang ng Pentekostes) KUWENTO Bagamat nasa kalendaryo ng liturhiya, ang kapistahang ito ay hindi tungkol sa isang santo kundi tumutukoy mismo sa ating Panginoong Hesukristo, ang “Walang Hanggan at Kataas-taasang Pari.” Hindi nakatakda ang eksaktong petsa ng pagdiriwang tulad ng mga ibang pista matapos ang Pentekostes tulad ng Corpus Christi, Santissima Trinidad, at Mahal na Puso; nakadepende din sa petsa ng Pentekostes ang pagdiriwang ng araw ng Pagkapari ng Panginoon. Nagsimula ang pista sa mga lokal na pag-alala sa England, Wales, Poland, Slovakia, Netherlands at Espanya. Binibigyang-diin nito ang gampanin ni Hesus bilang pari, ang kanyang pag-aalay ng sakripisyo ng kanyang buhay para sa lahat ng tao. Ayon kay Papa Pio XII, si Kristo ay tunay na Pari, bagamat hindi para sa kanyang sarili, kundi para sa ating lahat. Siya ang nagdadala ng ating mga panalangin at mithiin sa dambana ng Ama sa langit; siya din ay isang “hain” para sa atin, dahil inihain niya ang sarili upang sagipin ang mga makasalanan. Sa Misal Romano o Aklat ng Pagmimisa sa Roma, may Misa na maaaring ipagdiwang kaugnay ng Pagkapari ng Panginoong Hesukristo, na tumatapat sa Karaniwang panahon kung walang ibang pag-alalang nakatakda. HAMON SA BUHAY Ipanalangin natin sa Panginoong Hesukristo, ang ating walang-hanggan at Kataas-taasang Pari, na tayo ay makaisa niya sa kapangyarihan ng kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Maalala nawa natin na tayong lahat ay may kaloob ng pagkapari sa Sakramento ng Binyag at dahil dito ay may kakayahang mag-alay ng banal na buhay sa Diyos at sa kapwa. Share on FacebookTweet Total Views: 50
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed