DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES B
ANG ESPIRITU AT ANG MGA KRUS ATING BUHAY
JN 20: 19-23
MENSAHE
Ang paborito kong pagtalakay sa Santissima Trinidad ay mula sa “Theology of the Cross” ni Jurgen Moltmann. Ayon sa kanya, ang mapait na karanasan ni Hesus sa Krus ay ang tila itinapon at pinabayaan – ang paglimot at pagkahiwalay sa Amang kanyang minamahal. Sino nga bang mamamatay ang hindi magdadanas nang ganito? Subalit ang Ama din ay nagdurusa pala, habang minamasdan ang kamatayan ng kanyang Anak. Sino nga bang magulang ang hindi matitigatig? Dama niya ang sakit ng pagkawala ng kanyang Kaisa-isang Anak, ang sentro ng puso niya. Sa gitna ng lahat, nasaan ang Espiritu Santo? Nandoon din siya sa Krus, kasama ni Hesus. Siya ang tulay ng pag-ibig sa Ama at Anak sa gitna ng kanilang paghihirap at dusa. Pinag-uugnay niya sila sa kanilang dinadanas na hirap at pakikibaka; siya ang pag-ibig na “higit na makapangyarihan sa kamatayan,” ang pag-ibig na nagwasak ng pader ng pagkahiwalay at paglimot na dala ng kamatayan.
Tila ang lalim naman nito para unawain ng isang araw. Iniisip ko pa nga lang e naiiyak na ako sa tagpong ito. Subalit malinaw ang mensahe: walang makapaghihiwalay kay Hesus sa Ama, at sa Ama sa kanyang Anak, dahil ang Espiritu Santo ang tanikala ng pag-ibig at pagkakaisa nila.
Marami ding mga pagkakataon na dumadaan tayo sa mga sandaling nagtatanong tayo kung nakikinig pa ba ang Diyos, alam ba niya, may malasakit ba siya, o baka tinalikuran na niya tayo. Bilang mga Kristiyano, nagtataka ba tayo kung bakit sa kabila ng mga kaisipan at damdaming ganito, nananatili tayong tapat, sa kabila ng mga dagok sa buhay, sa ating pananampalataya? Dahil iyan sa Espiritu Santo. Ang mahiwagang presensya ng Diyos, ang Ikatlong Persona sa Santissima Trinidad, ay nananahan sa ating puso. Hindi tayo iiwan, at hindi niya pababayaang talikuran natin ang Diyos, at lalong hindi siya papayag na kalimutan tayo ng Diyos! Salamat, Panginoon, sa Kaloob mo, ang Diyos Espiritu Santo!
MAGNILAY
Naaalala natin ang Espiritu Santo kapag nagdadasal tayo para sa inspirasyon, katatagan, at lakas ng loob. Subalit napakainam na manalangin sa kanya sa gitna ng mga pagdurusa, pagkalito, pag-aalinlangan, takot, at mga sakit na dinadanas natin. Sinamahan ng Espiritu Santo ang Panginoong Hesukristo sa Krus. Ugaliin nating magdasal sa Espiritu Santo araw-araw. “Diyos Espiritu Santo, manahan ka sa aking puso at akayin ako papalapit sa Ama at sa Anak. Amen.”