Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD B

DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD B

BAKIT MAKAHULUGAN ANG SANTISSIMA TRINIDAD?

MT. 28: 16-20

MENSAHE


Kakaiba sa lahat ng naniniwala sa IIsang Diyos ang ating pananampalatayang Kristiyano. Ipinahahayag nating IIsa ang Diyos sa Tatlong Personang nabubuklod sa pagmamahalan at pagkakaisa. Tinatanggap natin ito dahil sa Siyang nagbunyag sa atin at nag-utos na: Humayo kayo at gawing mga alagad ko ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo…” Dahil nagmula kay Hesus, ibig sabihin ito ay totoo! Kaya nga, ang Santissima Trinidad ay makahulugan sa ating pangaraw-araw na buhay. Paano?

  • Ang Santissima Trinidad ay tungkol sa mga “ugnayan.” Ang buhay sa daigdig, lalo na para sa mga tao, ay tungkol sa ugnayan. Ang Isang Diyos na Manlilikha lamang, o Arkitekto lamang, o Dakilang Isip lamang ay hindi nakikipag-ugnayan sa labas ng kanyang sarili, kundi malayo at walang pakiramdam. Subalit ibinunyag ng Diyos na siya ay Ama, Anak, at Espiritu Santo upang ipakilalang nais niya tayong maka-ugnay, nais niyang makipagtalastasan, nais niyang manahan sa atin. Hindi siya nakikipag-ugnayan sa atin mula sa mataas na posisyon ng awtoridad or kapangyarihan kundi ng tiwala, pagtanggap, at pag-ibig.
  • Ang Santissima Trinidad ay Diyos na “kongkreto.” Sa buhay hindi sapat sa atin ang mga pangkalahatan, ang malabo at lutang, o pawang kaisipan lamang. Gusto natin iyong may nakikita, nadidinig, nahihipo, nauunawaan. Gayon na lang ang pagmamahal ng Diyos na ginawa niyang kaylapit ng sarili niya sa atin. Kaya nga si Hesus ay naging Kapatid natin, na nag-aakay sa atin sa Ama. Kaya nga ang Espiritu Santo ay wala doon sa himpapawid, kundi mismong nandito sa puso natin habang tayo’y nagdarasal, nagmamahal at naglilingkod. Kongkreto ang Diyos natin at ang pagiging malapit niya ay hindi maitatanggi; nakapalibot iyan sa atin lagi. Kahit kurutin mo pa ang sarili mo, mahal ka ng Diyos at hindi iyan panaginip lamang.
  • Ang Santissima Trinidad ay “pamilya.” Lagi nating sinasabi na may “pamilya ng sangkatauhan”, “pamilya ng mga bansa”, “pamilya ng buong sangnilikha.” Subalit, saan ba nanggaling itong saysay ng pamilya sa daigdig na ito kundi sa Diyos na nagpasimula ng lahat? Ang Diyos na nakikipag-ugnayan, ang Diyos na kongkreto magmahal, ay ang ating “pamilya” na may Ama, Anak, at Espiritu. Ang pagmamahal ng Dakilang Pamilya, ng Banal na Pamilya sa Langit, ay nag-uumapaw at dumadaloy sa atin, habang niyayakap tayo at ginagawang kasama sa pamilya.

MAGNILAY

Sa buong linggong ito, ugaliin na magdasal dahan-dahan ng “Luwalhati sa Ama,” habang ninanamnam ang bawat salita. Buksan ang puso upang mabatid at madam na ang Diyos ay kongkreto habang hinihipo niya ang ating puso bilang Ama, Kapatid, at Kaibigan. Hilingin ang biyaya na magkaroon ng makabuluhang ugnayans sa kapwa tao lalo na sa mga nangangailangan ng kalinga at awa ng isang pamilya, bilang pagsalamin sa Santissima Trinidad na bukal ng buhay at pagmamahal.