Home » Blog » SAINTS OF MAY: SAN AGUSTIN NG CANTERBURY

SAINTS OF MAY: SAN AGUSTIN NG CANTERBURY

MAYO 27: OBISPO

KUWENTO NG BUHAY

Isa sa mga bansang nayayanig ang pananampalataya ay ang England. Dahil ito sa dami ng mga bagong kaisipan na pumapasok sa diwa ng mga tao at naglalayo sa kanila sa pananalig sa Diyos. Subalit patuloy pa rin ang pag-iral ng buhay- pananampalataya doon dahil na rin sa matatag na pundasyon ng mga santong nagsikap itanim ang binhi ng Kristiyanismo.

Itinuturing na unang tagapagpahayag ng pananampalataya sa England ang santong si Agustin ng Canterbury. Walang masyadong naitala tungkol sa kanyang pinagmulan at kabataan.

Unang narinig ang kanyang pangalan noong hirangin siya ng Santo Papa na si San Gregorio Magno para tumungo sa England noong 597. Ang atas niya ay magdala sa mga tao sa liwanag ni Kristo. Bago dito, si San Agustin ay pinuno ng isang monasteryo sa Rome, ang monasteryo ni San Andres.

Kasama ni San Agustin ang 30 monghe na naging katuwang niya sa misyon sa England. Noong panahong iyon ang unang binhi ng Kristiyanismo ay natakpan ng paganong pananampalataya dahil sa pananakop ng mga Saxon.

Nagtagumpay si San Agustin na mahikayat sa pananampalataya ang haring si Edelberto. Pagkatapos nito, nagpunta sa France si San Agustin at doon ay naging obispo siya ng England. Pagbalik niya ay lalong dumagsa ang nagpabinyag at sumapi sa Simbahan.

Hinirang si San Agustin na maging arsobispo sa England, kung saan ang pangunahing simbahan niya ay matatagpuan sa Canterbury. Mula dito ay naglingkod siya bilang pastol ng mga kaluluwa. Naging mga anak na diyosesis ang London at ang Rochester, mga lungsod na tanyag din ng panahong iyon.

Itinayo ni San Agustin ang isang monasteryo sa Canterbury at itinatag niya ang istruktura ng Simbahang Katoliko upang lalong mapaglingkuran ang mas maraming mga tao. Sinasabing sa sobrang dami ng nahikayat maging tagasunod ni Kristo, nagbinyag ng isang libong katao si San Agustin sa loob lamang ng isang araw.

Nakapagtayo din siya ng maraming diyosesis sa England lalo na sa kaharian ng Kent. Namatay si San Agustin noong taong 604/605.

Sa kasalukuyan, ang England ay sentrong espiritwal ng Simbahang Anglikano na humiwalay sa Rome dahil sa hindi pagkakasunduan. Mahalagang alalahanin natin sa ating panalangin na magkaroon ng higit na pagkakasundo ang mga Kristiyano sa England upang muling magbunga ang nasimulan ni San Agustin sa bansang iyon.

HAMON SA BUHAY

Dahil sa isang masipag na Kristiyano at kanyang mga kasama, umusbong ang isang dakilang bayan. Tunay nga na tayo ay may kontribusyon para sa kinabukasan ng daigdig na ito. Kusang loob nating ialay ang ating makakayanan upang maging maayos ang ating paligid sa tulong ng Diyos.

KATAGA NG BUHAY

Mt 9:37-38

Sinabi [ni Jesus] sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos