MAYO 25: Ang Kagalang-Galang na Pari at Pantas ng Simbahan KUWENTO NG BUHAY Marami sa atin ang nakakaalam na mayroong paaralan sa Pilipinas na tinatawag na San Beda. Ngunit sino ba ang tao sa likod ng pangalang ito? Bakit nakaakibat sa edukasyon ang pangalan ng ating santo ngayon? Isinilang si San Beda sa kapitbahayang malapit sa isang monasteryo sa England noong taong 673. Nabuhay siya sa ilalim ng anino ng monasteryo ng Wearmouth na pinapangasiwaan ng mga Benediktino. Ito ang lugar kung saan siya ay lumaki at kung saan tinanggap niya ang isang mabuting edukasyon. Ang pagsasanay ni San Beda ay nagmula sa isang santo din ng England, si San Benito Biscop. Nagsimula siyang turuan sa monasteryo noong pitong taong gulang pa lamang siya. Dito lumawig ang kaalaman niya sa Banal na Kasulatan at sa mga turo ng mga Ama ng Simbahan (Fathers of the Church). Pumasok bilang kasapi ng Benedictine order si San Beda. Lalong lumutang ang karunungan niya nang magsimula na siyang magsulat nang magsulat ng napakaraming bagay tungkol sa Biblia at sa doktrina. Ang kanyang mga sinulat ay napatunayang punung-puno ng tamang aral ng Diyos kaya kahit buhay pa siya ay tinawag na siyang “kagalang-galang” o venerable. Naging eksperto si San Beda sa mga larangan ng teolohiya, kalikasan, grammar, at pagka-makata. Nagsulat din siya ng unang mga kasaysayan ng mga santo at mga martir. Sumulat din siya hindi lamang ng mga bagay ukol sa teolohiya kundi pati sa kasaysayan sa diwa ng mga Ama ng Simbahan (patristics). Tinatawag din siya bilang “Father of English History.” Naging mahusay na tagapagturo si San Beda. Ang mga sinulat at itinuro ni San Beda ay pinahahalagahan ng Simbahan dahil ito ay tila isang liwanag na kailangan ng lahat para sa paglalakbay sa daigdig. Sigurado ang mga nakakilala kay San Beda na ang kanyang karunungan ay ginamit ng Espiritu Santo upang gabayan ang mga tao at akayin sila sa tamang kaalaman sa pananampalataya. Namuhay din nang may kabanalan si San Beda bilang isang mongheng Benediktino. Hindi lamang panay sulat o turo ang kanyang inasikaso. Isinabuhay din niya ang maningning na halimbawa ng isang banal na tao. Naging huwarang monghe si San Beda. Nang malapit na siyang mamatay, napuno siya ng diwang mapayapa. Namigay siya ng mga munting regalo sa kanyang mga kasamahan sa monasteryo bilang tanda ng pagwalay niya sa materyal na bagay. Pagkatapos, umawit siya ng papuri sa Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Nang banggitin na niya ang Espiritu Santo, nalagot ang kanyang hininga. Namatay si San Beda noong taong 735. Nag-iwan siya ng pamanang kayamanan para sa Simbahan—ng karunungan at katalinuhang mula sa Espiritu Santo. HAMON SA BUHAY Mahalaga ang mag-aral at lumago sa karunungan sa pananampalataya. Hindi lamang sapat ang debosyon o pani- niwala kundi kailangan din ang lubos na pag-unawa sa pinaniniwalaan. Mag-aral tayo, kahit paunti-unti, tungkol sa ating pananampalataya. KATAGA NG BUHAY Jer 3:15Kaya bibigyan ko kayo ng mga pinunong susunod sa akin, at bubusugin kayo sa karunungan at pagkaunawa. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 277
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed