Home » Blog » SAINTS OF MAY: SAN BERNARDINO NG SIENA

SAINTS OF MAY: SAN BERNARDINO NG SIENA

MAYO 20: PARI

KUWENTO NG BUHAY

Ipinanganak noong taong 1380 si San Bernardino sa Massa Marittima, sa rehiyon ng Tuscany, Italy. Ang kanyang pamilya ay marangal, maykaya, at iginagalang. Subalit maagang namatay ang kanyang mga magulang nang siya ay pitong taong gulang pa lamang.

Lumaking mabuting tao si Bernardino. Naging bantog ang kanyang kagandahang-lalaki at ang kanyang magiliw na ugali kayat maraming natuwa sa kanyang pagkatao. Sinasabing nabibighani sa kanya maging ang mga babaeng mas matatanda sa kanya pero madiin niyang tinanggihan ang kanilang tukso at panliligaw.

Matapos siyang mag-aral sa unibersidad sa Siena, nagpasya si San Bernardino na pasukin ang buhay bilang isang Pransiskano. Naging pari siya at unti-unting nagningning ang kanyang paglilingkod hanggang tanghalin siya bilang isa sa mga nagbigay-luwalhati sa grupo ng mga Pransiskano sa buong daigdig.

Ang unang mga taon niya sa pagiging Pransiskano ay ginugol niya sa panalangin at katahimikan lamang. Subalit pagdating ng takdang panahon, inatasan siya bilang isang tagapangaral. Napuno ng tagumpay ang pangangaral ni San Bernardino habang nililibot niya ang buong Italy. Marami ang humanga, naliwanagan, at nanampalataya dahil sa kanyang pananalita tungkol sa Salita ng Diyos.

Binigyan din siya ng atas na ayusin at dalhin sa reporma ang Franciscan Order na noon ay nahahati sa iba’t ibang grupo. Naging matagumpay din siya dito pero hindi lubos dahil nanatili ang magkakatunggaling grupo sa loob ng religious order na ito.

May mga pagkakataong si San Bernardino ay naging sugo din upang pagkasunduin ang nag-aalitang mga siyudad ng Italy. Kaya meron ding halaga ang kanyang misyon sa mga pulitikal na aspeto ng buhay sa kanyang kapanahunan.

Sa katanyagan ni San Bernardino, dumating ang alok ng Santo Papa upang siya ay gawing isang obispo. Dito ay makikita ang kababaang-loob ng santo. Tinanggihan niya ito at nanatiling isang simpleng pari. Tila malayo sa ating ugali ngayon na halos mag-unahan at magtulakan basta lamang makarating sa kasikatan at kapangyarihan.

Ang patuloy na pamana sa atin ni San Bernardino ay ang kanyang pangangaral ng debosyon sa Banal at Matamis na Pangalan ni Jesus saan mang lugar siya makarating. Sa kanya nagmula ang logo na IHS (Iesus Hominum Salvator—Jesus, Tagapagligtas ng Sangkatauhan). Inilagay niya ang logo na ito sa isang kahoy na iwinawagayway niya sa pulpito tuwing siya ay nangangaral.

Para sa kanya, ang Banal na Pangalan ni Jesus ay tila isang paglalagom o summary ng buong Biblia, isang tanda ng pagkakaisa ng mga Kristiyano, at sanhi ng maraming biyaya at kaligtasan para sa atin. Ganito pa rin ba natin pinararangalan at iginagalang ang pangalan ng ating Panginoon?

Bago namatay si San Bernardino, nakapagsulat pa siya ng maraming aral, at nagkaroon pa siya ng pagkakataong muling ayusin ang reporma ng mga Pransiskano. Itinaguyod niya ang pag-aaral at disiplina ng kanyang religious order.

Namatay si San Bernardino noong 1444 at hinirang na santo makalipas lamang ang anim na taon.

HAMON SA BUHAY

Maglaan ng sandali araw-araw at sabihin nang tahimik sa iyong puso: “Banal na Pangalan ni Jesus, iligtas mo kami. Matamis na Pangalan ni Jesus, tulungan mo po kami.”

KATAGA NG BUHAY

Pag 3:20

Nasa pintuan na ako at kumakatok; kung may makarinig sa aking tinig at magbukas, papasok ako sa kanya at magsasalo kami sa hapunan—ako sa kanya, at siya rin sa akin.

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos