SAINTS OF MAY: SAN CRISTOBAL MAGALLANES AT MGA KASAMA
MAYO 21: PARI
KUWENTO NG BUHAY
Makabubuti kung tutunghayan natin sa internet o anumang aklat ng kasaysayan ang mga Cristeros ng Mexico upang maunawaan ang buhay ng mga santong pinangungunahan ni San Cristobal Magallanes.
May isang napakaganda at makabagong pelikula, For Greater Glory, kung saan ipinapakita ang konteksto ng buhay ng mga Katolikong Kristiyano sa panahong ito. Kung may pagkakataon kayo ay sulyapan ang munting kasaysayan ng mga Cristeros upang lalong humanga sa kabayanihan at kabanalan ng ating mga santo ngayon.
Mula noong 1911, ang Mexico ay dumanas ng isang rebolusyon na ang epekto ay ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga taong matindi ang galit sa Diyos at sa Simbahan. Ang pananaw na ito ay tinatawag na “anti-clerical” dahil laban sila sa mga “clerics” na ang ibig sabihin ay mga pari o mga alagad ng Simbahan.
Nagsimula ang mainit na tunggalian ng Simbahan at ng gobyerno. Pinalayas ng gobyerno ang mga banyagang misyonero, pari man o obispo. Isinara at kinumpiska ang mga paaralang hawak ng simbahan. Ipinasara din maging ang mga seminaryo kung saan nag-aaral at naghahanda ang mga magpapari.
Dumating sa punto na pati mga simbahan ay hindi na pinayagang magdulot ng serbisyong sakramental at espiritwal sa mga tao. Ang mga pari ay dinadakip at pinapatay. Binigyan ng babala ang mga Katoliko na talikuran ang kanilang Simbahan.
Dahil sa mga pag-uusig na ito, umusbong ang isang kilusan ng mga Katoliko na nais na ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagsasabuhay ng pananampalataya. Ang ilang mga Katoliko ay gumamit ng armas at dahas sa pakikipaglaban subalit mas marami din ang lumaban sa tulong ng sandata ng pag-ibig at kapayapaan tulad ni San Cristobal.
Si San Cristobal ay ipinanganak noong 1869 sa isang simpleng pamilyang nagsasaka. Naging pari siya at hinirang bilang isang kura paroko. Dito nakilala ang kanyang kasipagan sa lahat ng larangan na makatutulong sa mga tao.
Nang magsimula ang pag-uusig ay tinipon niya ang mga seminarista mula sa isinaradong seminaryo at nagtayo siya ng seminaryo. Ilang beses nadiskubre ito ng gobyerno at isinaradong muli. Ilang beses na din na sinimulang muli ng santo ang seminaryo niya. Minsan pa nga ay sa loob ng mga ordinaryong bahay niya tinuturuan ang mga seminarista.
Isa si San Cristobal sa mga hindi sumuporta sa madugong rebelyon laban sa pamahalaan. Para sa kanya dapat manaig ang katinuan ng isip at katiwasayan ng damdamin. Subalit pinagbintangan pa rin siyang tagapagtaguyod ng rebelyon.
Inaresto si San Cristobal habang patungo sa isang bukid upang magmisa. Nang malapit na siyang patayin, ipinamigay niya ang kanyang ari-arian sa mga dumakip sa kanya, at binasbasan niya sila, at pinatawad.
Kahit walang naunang paglilitis, hinatulan siya at ang 24 na kasama niya (mga pari at mga layko) ng kamatayan. Tinanggap nilang lahat ang kamatayan sa halip na talikuran ang pananampalataya sa Diyos at sa simbahan. Binaril sila noong Mayo 25, 1927.
Kasamang namatay si San Agustin Caloca. Sa panahong ito din nagbuwis ng buhay si Beato Padre Miguel Pro. Maging ang matapang na batang santo na si Beato Jose Sanchez del Rio ay namatay din sa kamay ng gobyernong napopoot sa mga Katoliko noon.
(Inaanyayahan ko kayong hanapin sa internet ang mga tunay na larawan ng mga santong ito dahil hindi nalalayo sa ating panahon ang kanilang panahon).
HAMON SA BUHAY
Matuto sana tayong ipaglaban ang tama at matuwid na hindi gumagamit ng dahas o nagbubuhat ng kamay sa mga kalaban natin. Si Jesus nawa ang ating maging sandata sa ating mga pakikibaka sa buhay ngayon.
KATAGA NG BUHAY
Mt 10:39
Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos