SAINTS OF MAY: San Damian Jose de Veuster ng Molokai

MAYO 10: PARI KUWENTO NG BUHAY Mula sa yumaong propesor sa seminaryo namin na si Fr. John Zwanaepoel, CICM, nakilala namin sa pamamagitan ng isang assigned reading ang buhay ni San Damian Jose de Veuster ng Molokai. Tulad ni San Damian, ang propesor na nabanggit ay isa ring misyonero mula sa bansang Belgium. Ngayon ay may isang magandang pelikula na may pamagat na “Molokai” kung saan mapapanood ang pagsasadula ng buhay ng santong ito. Makabubuting mapanood natin ito upang makita natin ang mga hamon sa buhay at pananampalataya ng bayaning ito ng ating Simbahan na bayani rin ng Molokai, kung saan ginugol niya ang kanyang buhay. Isinilang sa Belgium noong Enero 3, 1840 ang santong ito at pinangalanang Jose noong siya ay binyagan. Mula siya sa isang simpleng pamilya at sa kanyang kabataan ay napilitan siyang tumigil ng pag-aaral upang tumulong sa bukiring sinasaka ng kanyang mga magulang. Nang maisipan niyang maging isang pari, pumasok siya sa isang relihiyosong pamayanan ng Congregation of the Hearts of Jesus and Mary, at inako niya ang isang bagong pangalan na Damian. Ang kapatid niya ay isang pari din sa kongregasyon na ito at nang magkasakit ang kanyang kapatid na handa na sanang pumunta sa Hawaii noon, si Damian ang nag-alok na tupdin ang misyon. Nakarating sa Hawaii si Damian at doon mismo sa Honolulu siya naordenahan bilang isang pari. Ang una niyang misyon ay sa mismong isla ng Hawaii kung saan naglingkod siya ng ilang taon sa mga ordinaryong mga mamamayang Katoliko sa lugar. Maraming nagkakasakit ng ketong sa panahon ni Damian at isang lugar, ang isla ng Molokai, ang ginawang tapunan ng mga may karamdamang ito. Noong panahong iyon ay hindi pa laganap ang maayos na pagkakaunawa sa sakit kaya maraming tao ang takot mahawa ng ketong. Isang solusyon ay ilayo ang mga ketongin at halos kalimutan na ng mga pamilya at ng lipunan. Kahit sa Pilipinas ay may mga dating lugar kung saan tinipon din ang mga may ketong tulad ng Culion Leprosarium sa Palawan na pinaglingkuran ng mga Sisters of St. Paul de Chartres, at ng Tala Leprosarium sa Kalookan, na ngayon ay nasa ilalim ng mga misyonaryo ng CICM. Nagprisinta bilang full-time chaplain si San Damian at ninais niyang manirahan nang permanente sa isla habang inaasikaso niya ang pangangailangang medikal, pisikal, at espiritwal ng mga pasyente. Nagkaroon ng mga bahay, simbahan, paaralan, at ampunan doon dahil sa kanyang pamimilit sa gobyerno at iba pang may mabuting loob na tulungan ang mga ketongin. Nakapagdala din siya ng mga madre na naging katuwang niya sa kanyang misyon at nagpatuloy nito matapos siyang pumanaw. Noong 1885, nahawa ng ketong si San Damian at tuwang- tuwa siyang ipinahayag na siya ay katulad na rin ng kanyang mga pinaglilingkuran. Namatay siya bunga ng sakit na ito noong Abril 15, 1889. Ngayon ay itinuturing siyang isang bayani ng lahat ng mga mamamayan ng Hawaii dahil sa kanyang dedikasyon sa kanilang mga lubhang maliliit na kapatid na ketongin. HAMON SA BUHAY Labis ang kasiyahan ni San Damian noong malaman niyang katulad na siya ng kanyang mga pinaglilingkuran, na siya ay maysakit na rin na ketong. Sa gayon, tunay na siyang kaisa nilang lahat. Madaling tumulong sa pag-aabot lang ng barya o ng mga bagay na hindi kailangan pero kaya ba nating tumulong na tayo mismo ay makararanas ng sakit at pighati ng ating tinutulungan? Ipagdasal nating makatulong tayo nang lubos sa mga tao sa paligid natin. KATAGA NG BUHAY Heb 4:14-15 Dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa langit na si Jesus na Anak ng Diyos, panghawakan nating mabuti ang ating paniniwala. Nakikiramay nga ang ating punong pari sa ating mga kahinaan dahil tulad nati’y sinubok din siya sa lahat ngunit hindi siya nagkasala. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 171