Home » Blog » SAINTS OF MAY: SAN EUGENIO DE MAZENOD

SAINTS OF MAY: SAN EUGENIO DE MAZENOD

MAYO 21: PARI

KUWENTO NG BUHAY

Kilala dito sa Pilipinas si San Eugenio de Mazenod bilang isang paring tagapagtatag ng isang grupo ng mga masisipag at matatapang na misyonero. Sa Gracepark, Caloocan City, may simbahan at paaralan ang mga misyonerong Oblates of Mary Immaculate (OMI). At sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas lalo na sa Mindanao, naroon sa mga lugar ng misyon ang mga misyonero ni San Eugenio.

Isang obispo na kasapi ng relihiyosong kongregasyon na OMI, si Bishop Benjamin de Jesus, OMI ay binaril sa Mindanao ng isang panatikong Muslim habang ang obispo ay nakikisalamuha sa mga simpleng tao sa kanyang kapaligiran. Ang unang Kardinal ng Pilipinas mula sa Mindanao ay isa ring kasapi ng OMI, ang Kanyang Kabunyian, Orlando Cardinal Quevedo, OMI, na isang matalino at matiyagang pastol ng kawan at kaibigan maging ng mga Muslim nating kapatid.

Sino ba ang ama ng religious congregation na ito? Ano ba ang naging sanhi ng kanyang kabanalang kinikilala at isinasabuhay pa rin ng kanyang mga anak?

Ipinanganak si San Eugenio sa France noong 1782. Marangal at mayaman ang kanilang pamilya. Subalit kinailangang umalis ng bansa ang buong pamilya dahil sa French Revolution. Iniwan nila ang lahat ng kanilang ari-arian at labing-isang taon silang nakaranas ng hirap bilang mga taong nawalay sa sariling bayan.

Nakabalik naman sa France si Eugenio subalit ibang-iba na ang sitwasyong nadatnan niya doon. Nawasak ang kanyang pamilya dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Nakikipaglaban sila upang mabawi ang kanilang ari-arian. Higit sa lahat, nagbago na din ang sitwasyon ng Simbahan.

Ang dating iginagalang at minamahal na simbahan ng mga Pranses, ngayon ay nakalugmok dahil sa paninira, pagsalakay, pagkawasak na dulot ng French Revolution (Ang French Revolution ang nagpatalsik sa hari at reyna ng France at pagkatapos ang pinagtuunan naman ng galit at poot ay ang mga kinatawan at mga institusyon ng Simbahan. Maraming pari, madre, mga obispo, at mga tapat na Katoliko ang namatay dahil sa pagkabulag ng mga rebolusyonaryo sa kanilang ipinaglalaban).

Naakit sa pagkapari si San Eugenio at pumasok sa seminaryo sa Paris. Nang maging pari na siya ay nangalap siya ng mga kasamang misyonero na dumadayo sa iba’t ibang lugar sa France lalo na kung saan nasira ang kaalaman ng mga tao tungkol sa pananampalataya bunga ng rebolusyon.

Naging matatag ang pundasyon ng mga misyonero at naging isang bagong relihiyosong kongregasyon, ang Oblates of Mary Immaculate. Mula sa pangangaral, namahala din sila ng mga seminaryo. Nagsimula rin siyang magpadala ng mga misyonero sa ibang bansa.

Si San Eugenio naman ay nahalal na maging Vicar General ng bagong binuhay na diyosesis ng Marseilles (Buhat nang pagkakasupil nito dala din ng rebolusyon). Ang kanyang tiyuhin ang naging obispo at masipag niyang tinulungan ito sa pagtatayo muli ng mga istruktura at pangangalaga sa mga taong nasasakupan. Ilang taon pa at si San Eugenio na ang kahalili ng kanyang tiyuhin bilang obispo ng diyosesis na ito.

Gaya ng inaasahan, naging huwarang pastol ng kawan si San Eugenio sa kanyang diyosesis. Inasikaso niya ang kanyang mga pari, ang mga parokya, ang kanyang bagong katedral, ang mga religious communities at lalo na ang mga layko. Naging tanyag ang obispo sa buong bansa.

Habang nagaganap ito, umusad naman din ang gawain ng mga misyonerong kanyang itinatag. Lumawak ang kanilang misyon sa mga bagong teritoryong nagbukas ng pintuan sa kanila. Maging dito sa Pilipinas ay damang-dama ang tahimik subalit masigasig na paglilingkod ng mga misyonerong OMI tulad ng nabanggit sa panimula ng kuwento ng buhay ni San Eugenio.

Namatay si San Eugenio noong Mayo 21, 1861. Ang huli niyang bilin sa mga misyonero niya ay: Pag-ibig, pag-ibig, pag- ibig… at ang pagkauhaw sa kaligtasan ng mga kaluluwa.

HAMON SA BUHAY

May misyon tayong lahat sa buhay, at kahit gaano kasimple o kaliit ang misyong ito, ito ay galing sa Panginoon.

Alamin mo ang misyon ng buhay mo at sikaping maging tapat sa pagsasabuhay nito araw-araw.

KATAGA NG BUHAY

Mt 10:32
Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit.

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos