SAINTS OF MAY: SAN FELIPE AT SANTIAGO

MAYO 3: MGA APOSTOL KUWENTO NG BUHAY Sabay ang pagdiriwang ngayon ng isang pares ng mga apostol ng Panginoong Jesus, sina San Felipe at San Santiago, mga apostol. Ito ay dahil ang orihinal na pista ay tungkol sa pagtatalaga ng isang basilika o malaking simbahan kung saan nakalagak ang mga relic o mga naiwang labi ng dalawang apostol na ito. Tulad ng magkapatid na apostol na sina San Pedro at ni San Andres, si San Felipe ay mula din sa lugar na tinaguriang Betsaida sa Galilea. Sa Mabuting Balita ni San Juan, mababasa na kasunod ng pagtawag kay Pedro at Andres, tinawag ng Panginoon si Felipe. Dagli namang tumalima si Felipe nang siya ay hamunin ni Jesus na maging tagasunod niya. Sa sobrang tuwa nga ni Felipe ay tinawag naman niya at ipinakilala sa kaibigang si Nataniel ang Panginoon, na siyang pinaniniwalaan niyang tugon sa pangarap ng Israel na Mesiyas o Tagapagligtas (Jn 1:43-46). Nang may dumating na mga Griyego na nais makita si Jesus, si Felipe ang kanilang nilapitan. Pinuntahan ni Felipe si Andres at magkasama silang lumapit sa Panginoon (Jn 12:20-22). Kinausap ni Jesus si Felipe bago ang himala ng pagpaparami ng mga tinapay at kinausap niya din ito noong Huling Hapunan matapos hilingin ni Felipe na ipakita ni Jesus sa kanila ang Ama (Jn 14:8-11). Pagkatapos ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo, nagpunta si Felipe sa lugar na tinatawag na Phrygia (ngayon ay isang lugar sa Turkey), at maaaring sa Greece din upang ipahayag ang Mabuting Balita. Sa Hierapolis sa Phrygia, ipinako sa krus at namatay bilang isang martir o saksi kay Kristo ang apostol na ito. Si San Santiago naman ay anak ni Alfeo at pinsan ng Panginoong Jesus (kapatid ang salitang gamit sa Biblia upang tukuyin ang malalapit na kamag-anak tulad ng mga pinsan). Tinatawag din siya na “ang Maliit” o “the Less.” Pinamunuan ni San Santiago ang Simbahan sa Jerusalem bilang unang obispo dito pagkatapos ng Pagkabuhay na mag- uli ni Jesus. Sinasabing siya ang sumulat ng isa sa mga Sulat sa Bagong Tipan ng Biblia subalit marami pang usapin ang mga eksperto sa bagay na ito. Dahil sa kanya ay maraming mga Judio ang naging tagasunod ng bagong pananampalataya. Ang kanyang tagumpay ang naging sanhi upang siya ay maging martir. Ayon sa tradisyon, inihulog siya mula sa tuktok ng Templo ng Jerusalem. Dahil hindi siya agad namatay, pinagbabato siya ng mga tao. Sa huli ay hinataw siya ng kahoy na pambambo sa ulo na naging sanhi ng tiyak niyang kamatayan. Namatay siya noong taong 62. HAMON SA BUHAY Napakagandang isipin kung paano natin nililingon ang katotohanan na ang ating Simbahan ngayon ay “apostoliko.” Ibig sabihin nito, ang Simbahan ay nakatayo sa buhay, pangaral, at kamatayan ng mga orihinal na alagad ng Panginoon. Ito ang pinakamatinding tanda ng pagkakaugnay ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesus mismo. KATAGA NG BUHAY Jn 14:8-9 Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘ituro mo sa amin ang Ama’?” From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 316