SAINTS OF MAY: SAN GREGORIO VII
MAYO 25: SANTO PAPA
KUWENTO NG BUHAY
Ipinanganak sa rehiyon ng Tuscany si Hildebrand (pangalan ni San Gregorio sa kanyang binyag) noong taong 1020/28. Pinaalagaan siya ng kanyang pamilya sa isang amain o tiyuhin niyang pinuno ng isang monasteryo sa Rome.
Habang nasa Rome, pumasok sa monasteryo ng mga Benediktino si Hildebrand at naging isang ganap na monghe at isang pari. Nakapag-aral din siya sa pamantasan ng Laterano. Dito nakilala siya ng isang propesor na naging Santo Papa, si Papa Gregorio VI. Nang maging Santo Papa ang guro, agad na tinawag upang maging kalihim niya si Hildebrand.
Mabuting monghe si Hildebrand at nang maging kalihim ng Santo Papa, tinulungan niya ito sa gawain ng pagsasaayos ng buhay at kalakaran ng Simbahan. Nang mamatay ang Papa Gregorio VI, patuloy na naglingkod si Hildebrand sa lima pang magkakasunod na Santo Papa.
Noong taong 1073, siya na mismo ang naging Santo Papa. Ang pagkakahalal sa kanya ay tinatawag na “acclamation” dahil hindi na dumaan pa sa botohan ang pagpili sa kanya. Sa halip,
itinanghal siya sa pamamagitan ng nagkakaisang pag-ayon ng lahat ng naroroon. Sa pagiging bagong Santo Papa, pinili ni Hildebrand ang bagong pangalang Papa Gregorio VII.
Bilang pastol ng buong Simbahan, maraming reporma ang ipinatupad ni San Gregorio. Nilabanan niya ang mga maling gawain ng “simony”—ang pagbebenta o pangangalakal ng mga bagay na banal. Sinikap din niyang ayusin ang imoralidad sa hanay ng mga lingkod ng Diyos kahit maraming nagalit at lumaban sa kanya. Ninais niyang alisin na ang kinaugaliang pagbibigay ng mga hari o emperador ng pabor, titulo, at iba pang pribilehiyo sa Simbahan sa sinumang naisin nila. Ang tawag sa mga pagpupunyagi na ito ni San Gregorio ay “Gregorian Reform.”
Tinangka ni San Gregorio na tapusin na ang paghihiwalay ng mga Simbahan sa Silangan at ng Simbahan sa Rome na nagsimula noong 1054. Hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang nagkakaisa ang mga Simbahang ito, kahit na marami nang pagkakaunawaan ang naganap sa mga nagdaang taon. Naging pakay din ni San Gregorio na maglunsad ng isang Krusada para palayain ang banal na lungsod ng Jerusalem mula sa kamay ng mga Muslim.
Itinaguyod at binigyang-inspirasyon ni San Gregorio ang pagsasama-sama ng mga batas ng Simbahan o canon law na ginawa ng mga eksperto tulad ni Pedro Damian at iba pa. Si Berengarius, isang taong itinanggi ang tunay na presensya ng Panginoon sa Eukaristiya, ay nagbalik-loob sa pananampalataya dahil kay San Gregorio.
Nagkaroon ng alitan si San Gregorio at ang hari ng Germany na si Henry IV. Ginamit ng hari ang impluwensya niya upang magbuo ng grupo ng mga obispo na lalaban kay San Gregorio. Itiniwalag ni San Gregorio ang hari at napilitan itong humingi ng patawad at pagkakasundo sa Santo Papa.
Nagkaroon ulit ng pagkakataon ang hari na lusubin ang Rome at ang Santo Papa ay tumakas patungo sa palasyo na tinatawag na Castel Sant’Angelo. Nagpasimula ng eleksyon ng bagong Santo Papa ang hari, at iniluklok ang isang hindi tunay na papa (anti-pope).
Namatay na malayo sa Rome si San Gregorio, sa lugar na tinatawag na Salerno, noong 1085. Mula roon, pinatawad niya ng mga nagkasala sa kanya, maliban sa hari at sa naitalagang impostor na papa.
HAMON SA BUHAY
Mahirap maging kalaban ang nasa kapangyarihan dahil sa kakayahan nitong sirain ang buhay ng isang tao. Subalit naging patuloy na matapang at matatag si San Gregorio dahil alam niyang tama ang kanyang paninindigan.
Magkaroon nawa tayo ng ganitong uri ng lakas ng loob dahil alam nating kasama natin si Kristo.
KATAGA NG BUHAY
Ez 34:23
Magtatalaga ako ng isang pastol nila, si David na aking lingkod, para aalagaan sila. Pakakanin niya sila at siya’y magiging isang tunay na pastol sa kanila.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos