SAINTS OF MAY: SAN ISIDRO
MAYO 15: MAGSASAKA (LABRADOR)
KUWENTO NG BUHAY
Araw ng maraming pista ngayon sa buong Pilipinas dahil sa debosyon ng mga magsasaka kay San Isidro Labrador (ang labrador ay tumutukoy sa mga manggagawa sa bukid) na isang magsasaka din tulad ng maraming Pilipino.
Sa mga kapistahan ay tanyag ang mga pagdiriwang sa Lucban, Quezon sa kanilang taunang Pahiyas, isang makulay na pagsasalarawan ng mga ani ng mga magsasaka at ng iba pang produkto ng Lucban. Naroon din ang pista sa Pulilan, Bulacan na tampok ang parada ng mga kalabaw na katuwang ng mga magsasaka sa bukid. Ang mga kalabaw ay tinuruang lumuhod pagdating sa harapan ng simbahan ng Pulilan. Parehong dinadayo ng mga turista at ng mga lokal na bisita ang mga kapistahang ito na ang inspirasyon ay ang buhay ni San Isidro.
Pero sino ba talaga si San Isidro? Maaaring isinilang si San Isidro sa Madrid sa bansang Spain (bandang 1070). Ang tunay niyang pangalan ay Isidro de Merlo y Quintana. Isa siyang masipag at matiyagang magsasaka na nagtatrabaho sa lupa ng kanyang amo na si Juan de Vergas.
Madasalin si Isidro at ito ay napansin ng maraming tao. Araw-araw siyang dumadaan sa simbahan upang dumalo sa Misa. Dahil sa kanyang pagiging mabuting Kristiyano at sa palagian niyang mga panalangin, maraming himala ang naitala na naganap sa kanya at sa kanyang gawain.
Sinasabing nagreklamo ang mga kasamahan niya dahil sa lagi siyang huli na magpunta sa bukid dahil nga sa pagdaan pa niya sa simbahan sa umaga. Pero nabigla ang kanyang amo na makitang habang nagdarasal si San Isidro, isang anghel ang nagpapatuloy ng pag-aararo ng bukid.
Ayon pa sa isang himala, habang nagtatrabaho si San Isidro ay may dalawang anghel sa magkabilang panig niya ang tumutulong sa kanya. Kaya ang kanyang nagagawa sa maghapon ay trabaho ng tatlong katao.
Sa Spain, si San Isidro at ang kanyang asawa ay kinikilalang parehong santo at santa, kahit hindi pa pormal na naitatanghal bilang santa ang babae. Ang kanyang asawa ay si Maria Torribia, na kilala naman sa pagiging matulungin at mapagmahal sa mga mahihirap tulad ni San Isidro.
Nagkaroon ng isang anak ang mag-asawa, isang batang lalaki. Minsan daw ay nahulog sa balon ang anak na ito. Nagdasal si Isidro at Maria at unti-unting umapaw ang tubig ng balon at kasama nito ay naitaas ang bata mula sa ilalim. Subalit hindi rin nagtagal ang buhay ng anak nila San Isidro at Maria. Namuhay nang parang magkapatid lamang ang mag-asawa upang ialay ang kanilang buong sarili sa panalangin at paglilingkod.
Nang mamatay si San Isidro ay inilibing siya sa Madrid noong taong 1130. Hanggang ngayon ay buo pa ang katawan ni San Isidro at ito ay nakalagak ngayon sa loob ng isang simbahan.
Lalong dumami ang mga himala na naranasan ng mga tao pagkatapos mamatay ni San Isidro.
Patron siya ng mga magsasaka, ng mga nag-aalaga ng mga hayop sa bukid, at mga manggagawa. Isang huwaran ng mga layko si San Isidro dahil ang kanyang gawain o hanapbuhay ay naging kaugnay ng kanyang pananampalataya at buhay espiritwal.
Nang itanghal bilang santo si San Isidro noong 1622, kasabay niya sina Santa Teresa ng Avila, San Francisco Javier, San Felipe Neri, at si San Ignacio ng Loyola.
HAMON SA BUHAY
Madalas na gawing dahilan o sangkalan ng karamihan sa atin ang kawalan ng panahon o oras para magdasal o magsimba sanhi ng pagod dahil sa dami o bigat ng ating mga gawain.
Nawa’y maging tulad tayo ni San Isidro na alam kung ano ang higit na mahalaga sa buhay at dahil dito ay tumanggap ng mas maraming pagpapala.
KATAGA NG BUHAY
Slm 16:8-9
Lagi nang sa Panginoon nakatuon ang aking paningin; at dahil siya ang nasa aking kanan, di ako mababagabag. Kayat nagagalak ang aking puso, natutuwa ang aking mga labi at panatag ding magpapahinga ang aking katawan.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos
1 Comments