SAINTS OF MAY: SAN JUAN I
MAYO 18: PAPA AT MARTIR
KUWENTO NG BUHAY
Sa panahon natin ngayon, ang Santo Papa sa Rome ay kinikilala at iginagalang dahil sa kanyang natatanging posisyon ng paglilingkod sa Simbahan. Subalit noong unang mga panahon ng Simbahan, marami ding naging Santo Papa na nagdanas ng hirap at pag-alipusta ng kanilang mga kaaway.
Isa na dito si San Juan I, na isang Italyano mula sa rehiyon ng Tuscany. Ang Tuscany ay kilala sa pagiging isa sa pinaka- magandang tanawin sa Italy. Dito isinilang at lumaki si San Juan.
Nang magnais siyang maglingkod sa Diyos, naging isang punong diyakono si San Juan. Nahalal siyang Santo Papa noong taong 523. Magtataka tayo kung bakit isa lamang siyang diyakono subalit naging Santo Papa siya. Ito ay sa dahilang sa ngayon ang nagiging Santo Papa ay nagmumula sa hanay ng mga obispo lalo na ng mga Kardinal.
Sa panahon ni San Juan, ang mga diyakono ang mga diretsong may komunikasyon sa Santo Papa dahil sila ang nakapaligid na katuwang at tumutulong sa mga pangangailangan nito. Dahil dito, malaki na ang kanilang kaalaman sa gawain ng isang Santo Papa at nakikilala na din sila ng mga taong may kaugnayan sa paghirang ng isang bagong Santo Papa. Hindi kakaiba noon na ang isang diyakono ay maging kandidato sa pagiging Santo Papa.
Siyempre, kapag nahirang ang isang diyakono bilang isang Santo Papa, kailangan muna niyang tanggapin ang ordinasyon bilang pari at bilang obispo upang lubos niyang magampanan ang kanyang bagong tungkulin. Ito marahil ang landas na dinaanan ni San Juan I patungo sa kanyang kinalagyang posisyon sa paglilingkod sa bayan ng Diyos.
Maikli lamang ang kanyang panunungkulan, halos tatlong taong lamang (523-526). Subalit hindi naman ito nakahihinayang dahil lubhang mahalaga ang nagawa ni San Juan I sa loob lamang ng maikling panahon. Naganap ang Council of Orange, isang pagpupulong ng mga pinuno ng Kristiyano upang pag-usapan ang tema ng biyaya ng Diyos o “grasya,” dahil sa kanyang pamumuno at pagkukusa.
Dahil din kay San Juan I, naisaayos ang petsa ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa tulong ng pagsasaliksik ni Dionisio (Dionysius the Little). Malaking problema noon ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay dahil paiba-ibang araw ito pumapatak dahil sa sinusunod na batayan nito. Malaking tulong nang maayos ang pagkalkula sa sa tamang araw ng kapistahan.
Itinaguyod ni San Juan ang Roman chant, isang natatanging paraan ng pag-awit sa Misa o sa pagsamba ng mga Kristiyano. Ito ang nagbigay-daan sa mas maganda pang paraan ng pag-awit na tinatawag na Gregorian chant. At nagawa rin ni San Juan I na magbigay ng mga alituntunin tungkol sa mga pagsasanay bago tanggapin ang binyag.
Si San Juan I ay ipinadala ni Haring Teodorico sa Constantinople (ngayon ay Istanbul sa Turkey) upang maging tagapamagitan ng hari doon. Ang hari ay tagasunod ng mga Arians (nailarawan na ang grupong ito sa buhay ng mga naunang santo). Inuusig noon sa Constantinople ang mga Arian.
Subalit habang naroon si San Juan, pinutungan niya ng korona si Justino, bilang emperador ng imperyo sa Silangan. Ikinagalit ito ni haring Teodorico. Hindi nagustuhan ng hari ang naging resulta ng misyon ng santo kaya’t nang pabalik na si San Juan I sa Rome, ipinadakip siya ng hari.
Naging bilanggo si San Juan I sa Ravenna kung saan dumanas siya ng matinding hirap. Namatay siya sa gutom at uhaw habang nasa kamay ng mga tauhan ng hari. Pumanaw siya noong taong 526.
HAMON SA BUHAY
Kahit ang mga nasa mataas na posisyon ay dumaranas din ng hirap at pagsubok. Minsan ay nag-aambisyon tayong maging mataas dahil akala natin walang problema kapag makapangyarihan o sikat ang isang tao.
Maging paalala sana sa atin ang sinapit ni San Juan at hangaan natin ang kanyang matatag na pananampalataya habang hinaharap niya ang matinding pagsubok.
KATAGA NG BUHAY
Lc 22:27
Sino ba ang mas dakila, ang nasa hapag o ang nagsisilbi? Di ba’t ang nasa hapag? At nasa piling ninyo ako gaya ng nagsisilbi.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos