SAINTS OF MAY: SAN MATIAS
MAYO 14: APOSTOL
KUWENTO NG BUHAY
Maraming biruan tungkol sa Apostol na si Judas Iskariote, na nagkanulo sa Panginoong Jesus nang dahil sa kasakiman niya sa pera. At alam din natin ang malagim na katapusan ng buhay na sinapit ni Judas. Tila sayang talaga dahil hindi niya naunawaan ang Panginoon at hindi niya tunay na nakita kung gaano siya pinagpala na makasama sa mga unang piniling alagad.
Ang labindalawang mga apostol ay isa-isang pinili at tinawag ni Jesus upang maging bahagi ng kanyang “inner circle” o mas maliit na grupo ng matatalik niyang kaibigan at mga ka-manggagawa sa anihan ng Diyos. Lahat sila ay may maipagmamalaking tagpo ng panahon ng kanilang buhay kung kailan nakilala nila si Jesus. Iba’t iba ang sitwasyon ng kanilang buhay nang sila ay nabigla na nais pala ng Panginoon na makasama sila sa kanyang gawain para sa Kaharian ng Ama dito sa lupa.
Praktikal ang mga apostol. Nang mamatay na si Judas Iskariote pagkatapos ng pagpapako sa krus sa Panginoon, alam ng mga apostol na dapat maging buo muli ang bilang nila— Labindalawa. May kahulugan ang labindalawa dahil tumutukoy ito sa bawat tribu ng Israel. Kaya ang labindalawang apostol ay nangangahulugan ng pagnanais ng Diyos na mabuo ang kanyang bayan at lumawig pa ito sa buong daigdig.
Pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Jesucristo, nagtipon ang mga apostol kasama si Maria na Ina ng Panginoon (cf. Gawa 1:12ss). Nagsalita si San Pedro na kailangang “ibigay sa iba” ang tungkuling iniwanan ni Judas Iskariote bilang apostol.
Ang kailangan ay isang taong kasa-kasama na nila mula pa sa simula. Ibig sabihin, isang taong tagasunod na ng Panginoon nang may matagal na panahon, “mula sa pagbibinyag ni Juan hanggang sa araw na iakyat siya [Jesus] (sa langit).” Dalawa ang kandidatong napili upang maging kahalili sa bakanteng posisyon. Ang isa ay si Jose na tinatawag ding Barsabas, at ang isa ay si Matias.
Nagdasal ang lahat upang humingi ng gabay sa Panginoon sa gagawing pagpili. Pagkatapos magdasal ay nagpalabunutan sila. Si Matias ang napili sa ginawang paghirang at naging bahagi na siya ng labindalawang apostol. Buo na naman ang grupo ng mga matatalik na kaibigan at katuwang ng Panginoon.
Walang masyadong alam sa buhay ni San Matias. Sinasabing nagpahayag siya ng Mabuting Balita sa Palestine. Nagpunta din siya sa Cappadocia (ngayon ay nasa bansang Turkey) at sa malapit sa lugar ng Caspian Sea—isang lago o lake sa pagitan ng Europe at ng Asia.
Tulad ng karamihan sa mga apostol, namatay siya bilang martir. Hindi tiyak kung siya ay binato hanggang mamatay, o ipinako sa krus, o pinugutan ng ulo. Iba’t iba ang kuwento ayon sa tradisyong naisalin sa ating panahon. Maaaring namatay siya noong taong 64.
HAMON SA BUHAY
Minsan hindi natin inaasahan na bigla tayong bibigyan ng Diyos ng isang atas o responsibilidad. Sa mga ganitong pagkakataon, umaayon ba tayo o tumatanggi sa pananagutan natin?
Maging modelo nawa natin si San Matias sa pagtanggap sa kalooban ng Panginoon.
KATAGA NG BUHAY
Gawa 1:24-26
Nanalangin sila [mga apostol]: “Panginoon, alam mo ang puso ng bawat isa. Ipakita mo sa amin kung sino sa dalawang ito ang iyong hinirang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikuran ni Judas patungo sa dapat niyang kalagyan.” At nagpalabunutan sila, at si Matias ang napili at isinama siya sa labing-isang apostol.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos