Home » Blog » SAINTS OF MAY: SAN PANCRASIO

SAINTS OF MAY: SAN PANCRASIO

MAYO 12: MARTIR

KUWENTO NG BUHAY

Kung ang naunang mga santo ay mga ganap nang sundalo, itong santo namang si San Pancrasio ay kahanga-hanga dahil siya ay isang bata. May mga larawan ng santong ito na nagpapakita ng isang binatilyong punung-puno ng buhay at sigla. Ang lahat ng ito, sampu ng kanyang sariling buhay ay inialay niya sa altar ng Panginoon hanggang sa kanyang kamatayan.

Maaaring ipinanganak si San Pancrasio sa bansang Syria o sa Phrygia (nasa bansang Turkey ngayon). Maaga siyang naulila sa kanyang mga magulang. Mabuti na lamang at may isang tiyuhin siya na kumupkop sa kanya at dinala siya sa Rome. Doon sa Rome, ang dalawa ay kapwa naging mga Kristiyano.

Ayon sa tradisyon, labing-apat na taong gulang pa lamang noon si San Pancrasio nang pugutan siya ng ulo dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo. Naganap ito noong panunungkulan ni emperador Diocleciano noong taong 304. Maaari din nga na kasabay siyang pinatay nina San Nereo at San Aquiles.

Nakalibing si San Pancrasio sa via Aurelia sa Rome at isang simbahan ang itinayo doon ni Santo Papa Simaco upang maalala ang kanyang buhay at halimbawa. Mapapansin natin na naging kaugalian sa Rome ang pagtatayo ng simbahan sa lugar ng pinaglibingan ng mga martir. Isang tanda ito ng paggalang at paghanga ng mga tao. Nakatulong din ang ganitong kaugalian upang lalong lumaganap ang debosyon sa mga santong pinararangalan.

Sa Canterbury, England, ang unang simbahang itinayo ni San Agustin ng Canterbury ay para sa karangalan din ng batang martir na ito. Lumaganap ang pagiging bantog ni San Pancrasio sa buong England lalo na noong dalhin doon ang kanyang mga labi.

Noong huling bahagi ng Middle Ages, at maging sa ating panahon, kinikilala na may natatanging kapangyarihan ang panalangin ni San Pancrasio para sa mga deboto niyang humihiling ng iba’t ibang biyaya mula sa Diyos.

HAMON SA BUHAY

Mahalagang isipin na hindi hadlang ang pagiging isang bata o may murang edad upang maging saksi sa pananampalataya. Maraming mga batang santo at santa mula pa sa unang panahon ng Simbahan.

Akayin natin ang mga bata at kabataan na lalong makilala at mahalin si Jesus.

KATAGA NG BUHAY

Mt 11:25

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.”

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos