SAINTS OF MAY: SANTA MARIA MAGDALENA NG PAZZI
MAYO 25: DALAGA KUWENTO NG BUHAY Si Santa Maria Magdalena ng Pazzi ay isinilang sa lunsod ng Florence sa Italy noong 1556. Marangal ang kanyang pamilya subalit nasangkot sa mga gulo ng pag-aaway ng mga angkan noong kapanahunang iyon. Batang-bata pa siya nang maisipan niyang mangako sa Diyos na mananatili siyang isang dalaga o birhen at itatalaga niya ang puso at buong katauhan sa pagmamahal at paglilingkod lamang sa Panginoon. Sampung taong gulang siya nang gawin niya ang pangakong ito. Ito rin ang edad niya nang tanggapin niya ang Unang Pagkokumunyon. Sa gulang na labing-anim na taon lamang ay pumasok na siya sa monasteryo ng mga monghang Carmelites. Tutol ang kanyang mga magulang subalit wala silang magawa sa kanyang matatag na paninindigan na lisanin ang daigdig para sa buhay- panalangin at sakripisyo. Sa taong iyon ay pumanaw naman sa Spain ang bantog na tagapag-reporma ng Carmelite Order na si Santa Teresa ng Avila. Tinanggap ni Santa Maria Magdalaena ang kasuotan o abito ng isang Carmelite at nagpatuloy sa kanyang paglago sa kabanalan. Naglingkod bilang assistant superior (sub-prioress) ng kanyang monasteryo si Santa Maria Magdalena sa loob ng ilang taon. Isinabuhay niya ang namumukod-tanging pag-aalay ng panalangin sa Diyos at gayundin ang pagtalikod sa mga luho ng daigdig. Ginampanan niya ang mga matitinding sakripisyo bilang hain sa kaluwalhatian ng Panginoon. Habang nasa loob ng monasteryo, batid naman ng santa ang mga nagaganap sa buong Simbahan. Ito ang panahon na mismong sa Italy ay may malaking krisis sa relihiyon na dulot ng pagkakatuklas ng humanism (isang kilusan na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang tao at hindi na ang Diyos). Panahon din ito ng Reporma ni Martin Luther. Unti-unting lumalaganap ang mga kaisipang Protestante at mga kilos laban sa Simbahan. Isinama itong lahat ng santa sa kanyang mga panalangin at mga pag-aalay sa Diyos. Nakaranas siya ng mga pisikal at espiritwal na pagsubok tanda ng kanyang pag-aalay. Tumagal ang mga pagsubok na ito nang limang taon, kasabay ng mga simulain ng Santo Papa na ayusin ang Simbahan at ibalik sa katotohanan at kadalisayan ng pananampalataya. Sobrang lalim ng kanyang pananampalataya na naging motto na niya ang humingi ng pagdurusa sa Diyos upang maialay pa ito sa Panginoon. Masasabi nating ang ganitong pananaw ng isang tao ay lubos na katunayan na lubhang malayo na ang narating ng kanyang paglago sa pananampalataya. Sumulat si Santa Maria Magdalena sa mga obispo, kardinal, at maging sa Santo Papa na pag-ibayuhin ang mga kinakailangang pagbabago sa loob ng Simbahan. Naging hudyat ito para kumilos nga ang Santo Papa para sa kabutihan ng lahat. Minsan lamang, dahil sa inggit o galit ng kanyang mga superyora, ang ilan sa kanyang mga liham ay hinarang nila at hindi nakarating sa pinag-ukulan nito. Namatay noong 1607 ang santa sa edad na 41 taong gulang. Naging makabuluhan at mabunga naman ang kanyang buhay. HAMON SA BUHAY Pag-iwas at pagrereklamo kapag may pagsubok ang ating karaniwang ginagawa sa ating buhay. Minsan subukan nating hanapin ang kahulugan ng ating mga pagsubok at ialay natin sa Panginoon ang sakripisyo na harapin ang pagsubok alang-alang sa pag-ibig sa kapwa. KATAGA NG BUHAY 1 Cor 7:34 Inaalaala ng babaeng walang asawa o dalaga ang mga bagay ng Panginoon nang maging banal siya sa katawan at diwa. At inaalaala naman ng babaeng may-asawa ang mga bagay ng mundo, kung paano niya bibigyang- kasiyahan ang asawa. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 168
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed