SAINTS OF MAY: SANTA RITA NG CASCIA
MAYO 22: RELIHYOSA/ MADRE KUWENTO NG BUHAY Isa sa mga pinakabantog na santa ng Augustinian Order ang banal na babaeng si Santa Rita. Maraming kuwento tungkol sa mga himala na dahil sa kanyang panalangin at pagtulong sa mga deboto sa kanya. Tulad ni San Judas Tadeo, kinikilala din si Santa Rita bilang santang patron ng mga sitwasyong tila imposible na. Ang katawan ni Santa Rita ay maaari pang makita hanggang ngayon dahil ito ay buo pa rin. Isa pa ito sa mga himalang nakakabit sa kanyang pangalan. Dinadayo ng mga deboto ang labi ng buong katawan ni Santa Rita sa pangangalaga ng mga madreng Augustinian. Isinilang si Santa Rita sa Spoleto, Italy noong 1381. Bata pa siya ay may nadama na siyang bokasyon o pagtawag ng Diyos para sa buhay pagmamadre. Hindi ito nagustuhan ng kanyang pamilya. Pinilit ng pamilya na maipakasal si Rita sa murang edad na labindalawang taong gulang pa lamang. Sa kasamaang-palad, isang marahas at malupit na lalaki ang naging asawa ni Rita. Naging sanhi ito ng katakut-takot na paghihirap na dinanas niya bilang isang maybahay. Subalit sinikap ni Rita na mahalin at paglingkuran ang kanyang asawa sa loob ng 18-20 taon na pagsasama nila. Nagkaroon ng dalawang anak na lalaki si Santa Rita. Ganoon din ang paglingap na ipinakita niya sa pag-aaruga sa kanyang mga anak. Naging isang huwarang ina si Santa Rita sa kanyang mga anak. Nasaksak at namatay dahil sa isang away ang kanyang asawa. Subalit bago mamatay ang lalaki ay nagkaroon ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan. Alam ng lahat na ito ay bunga ng maraming panalanging inialay ni Santa Rita para sa pagbabago ng puso ng lalaking kanyang minahal. Nang matapos maging biyuda, dumaan muli sa pagsubok si Santa Rita nang pumanaw naman kapwa ang kanyang mga anak. Natagpuan niya ang kanyang sarili na nag-iisa at walang katuwang sa buhay. Dito naisipan ni Santa Rita na buhayin muli ang kanyang bokasyon sa pagmamadre na naroon na mula pa noong bata siya. Noong una ay tinanggihan siya ng kumbento dahil siya ay isang biyuda. Subalit nagtagumpay din siyang makapasok at maging bahagi ng Augustinian Sisters sa lungsod ng Cascia, sa rehiyon ng Umbria sa Italy. Napabalita ang mga panalangin, sakripisyo, at kawanggawa ng madreng ito. Ganap niyang isinabuhay ang pagtalima at pagmamahal. Mayroong matinding debosyon si Santa Rita sa paghihirap ng Panginoong Jesucristo. Nakatanggap siya ng maraming mga pangitain at dumanas din ng paulit-ulit na karamdaman. Nang magkaroon ng isang sugat sa noo si Santa Rita, pinaniwalaan ng mga tao na ito ay tanda ng koronang tinik ng Panginoong Jesucristo. Patuloy si Santa Rita sa kanyang kabaitan at sipag sa pag-aalaga sa mga madreng maysakit. Dinayo siya ng mga taong may problema na ginabayan niya at binigyan ng payo. Namatay siya noong taong 1457. Makikita nating bawat yugto ng buhay ni Santa Rita ay isinabuhay niya nang may kabanalan at pag-ibig kahit hindi ito madaling gawin. Naging isang asawa, naging isang biyuda, naging isang madre o namanata sa Diyos ang santang ito. Sinikap niyang maging tunay ang pagmamahal at paglilingkod sa Panginoon. HAMON SA BUHAY Walang imposible sa Diyos. Walang hindi magagawa ang Panginoon. Isapuso natin ang aral na ito sa tuwing may kailangan tayong tila hindi natin makakayanan. Hilingin natin ang tulong ni Santa Rita sa ating mga suliranin ngayon. KATAGA NG BUHAY Mt 13:45-46 Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 593
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed