YEAR OF PRAYER 2: ANG EXAMEN (PAGDARASAL GAMIT ANG KARANASAN)
ANO ANG EXAMEN (PAGDARASAL GAMIT ANG KARANASAN) Ang examen ay mula kay San Ignacio de Loyola. Ito ay panalangin ng pagtukoy at pagbibigay-linaw sa kilos ng Diyos sa pangaraw-araw na buhay. Kung magiging ugali ito, magandang paraan ito ng pagsaliksik sa mga paraan na ang Diyos ay nagiging buhay at kumikilos sa ating buhay sa pamamagitan ng mga simpleng bagay at pagkakataon. Magiging magandang gabay ito sa pagkilatis sa kilos ng Espiritu Santo sa ating puso. Hinikayat ni San Ignacio ang mga tagasunod niya, ang mga Heswita, na gawin ang examen dalawang beses sa isang araw: sa tanghali at sa gabi. PAANO GAWIN ANG EXAMEN? Ang examen ay hindi “examination of conscience” o pagsusuri ng budhi bago magkumpisal. Ang examen ay “pagsusuri ng kamalayan” sa kilos ng Diyos sa ating personal na buhay. Gawin man sa umaga, tanghali o gabi, malaking tulong ito upang makita nating kumikilos ang Diyos sa bawat sandali ng maghapon. Kapag binabalikan natin ang naganap sa nakaraang araw, sa umaga, o sa buong maghapon, nakikita natin na kasama natin ang Diyos at may mensahe siya para sa atin. MGA HAKBANG SA EXAMEN Una, PASASALAMAT: ano ba ang naganap sa iyo ngayon na nais mong ipagpasalamat sa Panginoon? Maglaan ng sandali upang magpasalamat. Ikalawa, BALIK-TANAW: balikan ang mga naganap sa maghapon at suriin kung saan dito nadama mo ang presensya ng Diyos, kahit man ito napakaliit o napakasimpleng bagay, tao, o pangyayari. Mayroon bang paanyaya ang Diyos sa iyo na lumago sa pananampalataya, pag-asa o pag-ibig? Paano ka tumugon sa mga paanyayang ito? Ikatlo, MAGSISI: Ano ang naganap sa araw na ito na nais mong ihingi ng patawad? Maaaring ito ay kilos, salita, panghihinayang, mga bagay na nagawa mo o mga bagay na iniwasan mo. Ika-apat, HUMINGI NG TAWAD: Hilingin sa Panginoon na patawarin ka. Kung may nasaktan ka man o dapat na makipagkasundo, ipangako sa sarili na gagawin ito sa darating na mga panahon at hihingi ng tawad sa kapwa. Ikalima, HINGIN ANG BIYAYA PARA SA KINABUKASAN: Magpasalamat sa Panginoon sa biyaya ng buhay mo at sa kaloob na araw na ito. Pagkatapos, hingin ang pagpapala na makita mo ang presensya ng Diyos na higit na malinaw pa sa kinabukasan, at ang grasya na maging higit na katulad ni Kristo sa iyong mga kilos, salita at isipan. Share on FacebookTweet Total Views: 260
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed