YEAR OF PRAYER 3: TAIZE PRAYER (PANALANGIN SA SALIW NG MUSIKA)
ANO ANG TAIZE PRAYER? Ang Taize prayer ay isang pagdarasal sa pamamagitan ng musika at kilala sa pagiging simple subalit mayaman at malalim na panalangin. Ang musika ng Taize prayer na maaaring pakinggan sa youtube o anumang music platform ay gawa sa simpleng himig na inuulit-ulit at ang layunin nito ay upang matulungan tayong mag-focus. Dahil simple ang mechanics nito, isang magandang paraan ito upang ang panalangin ay kumilos mula sa ulo patungo sa puso ng isang tao. BAKIT MAHALAGA ANG TAIZE PRAYER Maraming benepisyo mula sa uri ng panalangin na Taize. Una, ang musika ng Taize na talagang nakapaghihila sa pagninilay ay tulong upang maiwanan natin ang mga kaguluhan ng isip at puso at makatuon o makasentro tayo sa Panginoon. Para sa mga tao na nagdarasal mula sa isip at nais ng pagbabago ng istilo, o para sa mga tao na ang hanap talaga ay pagdarasal mula sa puso, ang musika ng Taize ay isang napakagandang tulong sa inyo. Ikalawa, ang musika ng Taize ay kaakit-akit. Madaling maalala, madaling ulit-ulitin sa isip at madaling balik-balikan kahit pahuni-huni ka lang sa maghapon anuman ang ginagawa mo. Dahil ito ay may layuning palalimin ang ating ugnayan sa Diyos, magandang awitin ang musika nito sa maghapon. At huli, ang Taize ay nakakatulong na magbuo tayo ng isang disiplina ng panalangin. Ang tunog ng musika ay tamang-tama sa pagdarasal, ang mga simpleng salita o lyrics naman ay isang pakikipag-usap ng ating puso sa Diyos. PAANO GAWIN ANG TAIZE PRAYER? Una, hanapin ang musika na gagamitin; maaari itong matagpuan sa Youtube o Spotify, o sa mga CD. Kung may marunong tumugtog, kahit sino ay madaling sundan ang istilo ng mga awitin. Ikalawa, ito ay personal. Akma ang Taize prayer para magsagawa ng panalangin mula sa puso. Ang musika ay isang tulong para magdasal, at ang mga lyrics ay maaaring gamitin na din bilang dasal mismo. Iyong sanay tumugtog ay maaaring dasalin ito habang tumutugtog. Mahalaga lamang na ihanda ang musika para maging maayos ang pagkakasunud-sunod nito sa buong panahon ng pagdarasal mo. Ikatlo, magandang panalangin ang Taize kung may kasama ka dahil ito din ay panalanging pang-pamayanan. Kailangan lamang na may espasyo na kasya ang lahat na umupo sa sahig o lumuhod, may lugar para sa kandila, Bible, krusipiho, icon o banal na larawan, bulaklak at iba pang mga tanda at paalala ng panalangin. Kung maaaring gawin sa simbahan o chapel lalo na sa harap ng Blessed Sacrament, napakaganda itong paraan ng Adoration o Banal na Oras. Kailangan din na ang pag-awit kung may mga kasama ay live upang sama-samang makiisa ang lahat ng kalahok. Kung hindi posible dahil kulang ang mga musicians, ang isang maayos na song collection mula sa CD o iba pang gadget ay maaari na ding gamitin at sabayan ng mga participants. At pinakamahalaga, kahit na maraming sama-sama sa pag-awit, dapat may panahon para sa katahimikan. Mahalaga sa panalangin na gumagamit ng musika ang paghinto at paglalaan ng sandali sa katahimikan upang makinig sa Salita ng Diyos, makipag-usap sa Diyos, at tanggapin ang mensahe ng Panginoon. Share on FacebookTweet Total Views: 448
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed