IKA-11 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
PAMAYANAN NG SANGNILIKHA
MK 4: 26-34
MENSAHE
Naisip mo na bang ang Diyos ay “nature-lover?” Puwes, ganoon talaga siya! Sa Bible, bago pa nilikha ang tao, gumawa na ang Diyos ng hardin, kumpleto sa mga hayop at halaman! Sa Mabuting Balita ngayon, pansinin na pati ang Panginoong Hesus ay interesado at nagmamasid sa kalikasan higit pa sa ibang tao sa paligid niya. Ginamit niyang halimbawa ang kalikasan sa pagtuturo tungkol sa Kaharian. Ginamit din nga niya ito sa pagtukoy sa kanyang sarili (puno ng ubas, inahing manok, ilaw ng daigdig – tanda mo pa?). Anong Diyos ang magiging ganito ka-sensitibo sa tanim sa bukid, sa anihan, sa mustasa, kundi ang Diyos na siya ding Lumikha ng lahat ng ito?
Ngayon, gumaganti na ang kalikasan sa tao. Kung hindi ang mga mas malalakas na bagyo sa tag-ulan, nandyan ang mas matinding init nitong tag-araw. Nakalimutan na kasi ng tao na hindi lang tayo ang nilikha ng Diyos; mahal din niya ang mga halaman, hayop, ilog, bundok, insekto, at bato dahil siya ang gumawa sa mga ito. Nauna pa nga niyang gawin ang kalikasan bago niya naisipang likhain ang tao! Panahon na upang kumuha ng inspirasyon kay sa ating Panginoong Hesus na nagmamahal at nagpapahalaga sa lugar ng kalikasan sa Kaharian ng Ama; tigilan na ang pagwasak at pagpapadumi sa mundo.
MAGNILAY
Ngayong linggo, maglaan ng panahong “makipagkasundo” sa kalikasan sa paligid mo. Maglakad, magmasid sa mga puno at halaman, ibon at hayop, hangin at tubig. Alalahanin kung paano tayo tinutulungan ng Diyos sa pamamagitan ng ibang mga nilikha sa mundong ito. Mag-isip kung paano mas higit na igagalang at pasasalamatan ang kapaligiran sa pamamagitan ng pamumuhay na simple, malinis, at responsable. Laging tandaan na ang Diyos ang mangingibig ng kalikasan at kaibigan ng lahat niyang nilalang!