SAINTS OF JUNE: SAN ANTONIO DE PADUA
HUNYO 13
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa mga pinakabantog na santo sa buong mundo ang banal na taong pinararangalan natin ngayon. Sino nga bang Katoliko ang hindi nakakikilala o nakakita man lamang ng popular na pagsasalarawan ni San Antonio sa mga simbahan, bisita, kumbento, at mga tahanan?
Bitbit ni San Antonio sa kanyang isang braso ang batang si Hesus, habang sa isang kamay naman ay dala niya ang aklat ng Salita ng Diyos. Hindi nalalayo ang pagka-amo ng kanyang mukha sa mukha ng batang kanyang yakap-yakap malapit sa kanyang puso. Ito ang karaniwang pagsasalarawan kay San Antonio.
Isinilang sa Lisbon, kapital ng Portugal si San Antonio noong taong 1195, kaya ngayon para sa mga Portuguese, dapat daw siyang tawagin na San Antonio de Lisbon. Sa binyag, ang pangalan niya ay Ferdinand o Fernando. Isang simbahan ang nasa lugar ng kanyang orihinal na tahanan at ito ay dinadayo ng mga deboto. Nadalaw ko ito minsan sa aking paglalakbay kasama ng ilang kaibigan.
Naging miyembro ng religious order ng mga Agostino si San Antonio at naging matapat siya sa pagtupad ng buhay na pinasok niya. Subalit nagbago ng pasya si San Antonio at naisipan niyang sumapi sa grupong itinatag ni San Francisco ng Assisi, ang mga Franciscans.
Nasaksikan kasi ni San Antonio ang pagbabalik ng mga bangkay ng limang mga Franciscans na naging unang martir sa Morocco at nagkaroon din siya ng isang matalik na kaibigang prayle ng mga Franciscan. Lumipat siya sa grupo ni San Francisco at kinuha ang bagong pangalang “Antonio.”
Una ay ninais niyang maging isang martir sa Africa kaya nagboluntaryo siya upang magmisyon doon. Sandaling panahon lamang siya sa Africa at pinabalik na dahil sa mahinang pangangatawan niya.
Sa kanyang pagbabalik may matinding bagyo sa dagat kaya sa Italy siya napadpad. Nakaniig niya doon si San Francisco. Sa Italy, naging ganap na pari si San Antonio. Nakilala siya bilang isang magaling na mangangaral lalo na dahil sa tagumpay ng kanyang misyon sa Italy at gayundin sa France. Ipinadala siya sa mga lugar kung saan maraming tao ang sumusunod sa maling aral ng mga erehe.
Nang bumalik siya sa Italy, lalong nagningning ang kanyang reputasyon sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Kinilala din ang kanyang katalinuhan kaya siya ang unang Franciscan na nagturo ng Teolohiya sa kanyang mga kapatid. Si San Francisco mismo ang nagtalaga sa kanya bilang isang lektor.
Naging bantog ang matalino subalit banayad na mga sermon ni San Antonio. Malaking bagay din ang mga himala na tila sumusunod saan man siya magpunta. Nasaksihan ito ng maraming mga tao at lalo silang naniwala.
Nadestino sa Padua si San Antonio hanggang sa kanyang kamatayan noong 1231. Lubos na pagmamahal ang ipinakita ng mga tao sa kanya nang siya ay pumanaw kaya tinawag siya bilang San Antonio de Padua.
Sa basilica sa Padua ngayon ay makikita ang lalamunan at dila ni San Antonio na isang himalang buo pa hanggang ngayon. Nang hukayin ang kanyang bangkay, nakita na hindi naagnas o nabulok ang mga bahaging ito ng kanyang katawan, tanda ng espesyal na biyayang bigay ng Diyos sa kanyang pangangaral at pagtuturo.
B. HAMON SA BUHAY
Maraming matututunan sa pagiging banayad at mabait ni San Antonio. Saliksikin pa natin sa mga babasahin ang kanyang buhay upang lalo tayong maganyak na tularan ang kanyang halimbawa. Maganda rin kung magkakaroon tayo ng debosyon sa santong ito.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 4: 18a
Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha…
(MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
1 Comments