SAINTS OF MAY: SAN JUAN NG AVILA, Mayo 10

PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN KUWENTO NG BUHAY Kapag nadinig natin ang salitang “Avila,” ang lugar na ito ay agad nakakabit sa ala-ala ni Santa Teresa de Avila. Subalit may isa pang tanyag na santo na kaugnay ng Avila sa Espanya, at ito ay ang pari na si San Juan de Avila. Isinilang si San Juan sa rehiyon ng Espanya na Kastila (Castille), at noong 14 na taong gulang ay nag-aral na siya sa Unibersidad ng Salamanca ng batas. Lumipat siya sa Alcala at doon naman ay tumutok sa pagkadalubhasa sa Pilosopiya at Teyolohiya bago maging isang ganap na paring diyosesano. Nang maulila siya ay naging tanging tagapagmana siya ng kanyang mga magulang at ipinamudmod niya ang kanyang yaman sa mga mahihirap. Nagtungo siya sa Sevilla sa pag-asa na maging isang misyonero sa Mexico. Subalit sa panghihimok ng arsobispo doon, nanatili na lamang siya at nangaral sa Andalusia. Sa kanyang 9 na taong pananatili doon, nakilala siya sa pagiging magaling na mangangaral, mahusay na gabay espirituwal at maawaing tagapagpakumpisal. Hindi takot si San Juan na batikusin maging ang mga nasa matataas na posisyon, kaya’t inimbestigahan siya ng Inquisition subalit napawalang-sala naman noong 1533. Nagmisyon siya sa Cordoba at Granada, kung saan isinaayos niya ang Unibersidad ng Baeza, ang una sa mga kolehiyo na pinalalakad ng mga diyosesanong pari na nagtalaga ng buhay sa pagtuturo at sa pagiging gabay espirituwal ng mga Kabataan. Naging kaibigan niya sina San Francisco Borgia, San Ignacio de Loyola, San Juan de Dios, San Juan dela Cruz, San Pedro Alcantara at Santa Teresa de Avila. Masusing nakipag-ugnayan din siya sa mga Heswita at tumulong sa paglago ng grupong ito sa Espanya at sa mga nasasakupang lupain sa ibayong dagat. Nagsulat ng mga aral mistikal o espirituwal si San Juan na naisalin na sa maraming mga wika. Noong 1894 naganap ang beatipikasyon niya, noong 1970 naman ang kanonisasyon, at idineklarang Pantas ng Simbahan noong 2012. HAMON SA BUHAY Batid ni San Juan ng Avila na maraming Kristiyano ang nabubuhay na labag sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo, na hati ang puso sa pagiging Kristiyano, at nagiging sagabal pa sa paglapit ng iba sa pananampalataya. Itinalaga niya ang sarili sa pagsusulong ng reporma sa simbahan at sa buhay Kristiyano, kahit pa siya salungatin ng iba. Matuto nawa tayong maging matapang at masigasig sa matapat na pagsunod sa ating Panginoon at Diyos! (mula sa panulat ni Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 51